ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ethics raps nakaamba vs Reps. Banal, Umali


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagkaisa ang House minority sa paghahain ng ethics complaint laban sa dalawa nilang kasamahan sa Kamara na nagprisenta sa Senate impeachment court ng umano'y bank records ni Chief Justice Renato Corona kahit na labag ito sa batas. Ayon kay Isabela Rep. Rodolfo Albano, miyembro ng minorya sa Kamara, nais nilang imbestigahan ng House ethics panel sina Quezon City Rep. Jorge Banal at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali dahil sa paglabag umano sa Republic Act 1405  o ang Bank Secrecy Law. “We will just concentrate on Banal and Umali. Apparently, they violated the Bank Secrecy Law by providing these fake documents in the impeachment proceedings… We will pursue and continue our investigation,” ani Albano. Aniya, inihahanda na nila ang isang resolusyon na ihahain nila sa ethics committee sa susunod na mga araw. Sa paglilitis ni Corona sa Senado, isinawalat ni Philippine Saving Bank (PSBank) Katipunan branch manager Annabelle Tiongson na nilapitan umano siya ni Banal noong Enero 31 upang humingi ng tulong sa pagpapatunay sa kopya ng mga bank records ni Corona. Ayon kay Banal, nais lamang niyang i-verify ang mga dokumento na kanyang nakuha sa driveway ng kanyang bahay noong gabing bago siya pumunta sa bangko. Kanyang iginiit na hindi niya alam kung saan nagmula ang nakuha niyang bank records. Samantala, ayon naman kay Umali, nakuha niya ang kopya ng bank records ni Corona mula sa isang "small lady." Ibinigay naman niya ang mga dokumentong ito sa House prosecution team para gamitin sa kanilang subpoena request sa official bank records ni Corona. Kasalakuyang nililitis si Corona matapos siyang i-impeach ng Kamara noong Disyembre para sa kasong betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution at graft and corruption. Ayon kay Albano, sinisira umano nina Banal at Umali ang reputasyon ng Kamara bilang isang institusyon. “Para ngayong sinabi na kami ay nagsisinungaling at nilabag namin ang batas ng bank secrecy which was  passed by Congress,” aniya. Ayon naman kay House Minority Leader Danilo Suarez, napakita lamang nito ang “lack of preparation” ng prosecutors sa paglilitis ni Corona. “Dapat pinag-aralan mabuti ‘yung prinesent nating document at ebidensya sa Senado. Hindi itong minadali natin masyado. Haste makes waste,” aniya. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News