Donasyon para sa 'Sendong' survivors, patuloy na bumubuhos mula sa ibang bansa
Dalawang buwan matapos manalasa ang bagyong "Sendong" (Washi) sa northern Mindanao at sa Visayas, patuloy pa rin ang pagbuhos ng tulong mula sa ibang bansa. Kamakailan lamang, umabot sa mahigit PhP 6.5 milyon ang pinakahuling nalikom na cash donations mula sa Australia, Bruenei, Georgia, at Guam. Brunei Tinanggap ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario nitong Pebrero 23 ang donasyon mula sa Brunei. Ayon sa ulat ng Department of Foreign and Affairs (DFA) sa kanilang website, inihandog ni Brunei Ambassador to the Philippines Malai Halimah Yussof ang donasyong US$100,000 (PhP 4,270,000.08) na nakalaan para sa rehabilitasyon sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng bagyo. Nagpasalamat si Del Rosario kay Sultan Haji Hassanal Bolkiah at sa gobyerno ng Brunei sa kanilang kagandahang-loob, at pati na rin sa partisipasyon nito sa mga pagsisikap para sa kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao. Georgia Samantala, naghandog naman ang bansang Georgia ng US$40,000 (PhP 1,708,000.03) para sa mga biktima ng bagyo, bilang kanilang "solidarity" humanitarian assistance sa Pilipinas. Ibinigay ng permanent representative ng Georgia sa United Nations ang salapi sa permanent representative ng Pilipinas na si Ambassador Libran Cabactulan. “This gesture of Georgia also shows how, within the United Nations, we continue to be bound by a common humanity that overcomes distance and helps comfort those who are suffering,” ani Cabactulan. Ayon kay Cabactulan, makatutulong ang pondong ibinigay para sa rehabilitation at reconstruction efforts sa mga lugar tulad ng Cagayan de Oro at Iligan Cities, na lubos na naapektuhan ng bagyong Sendong. Fundraising sa Guam at Australia Nakalikon naman ang La Salle Kundirina 2012 ng US$4,000 para sa mga biktima ng bagyo sa pamamagitan ng kanilang concert na pinamagatang "Change the World" na idinaos noong Pebrero 17 sa Guam. Ayon sa hiwalay na ulat ng DFA sa kanilang website, naganap ang concert sa Phoenix Center of the Father Duenas Memorial High School sa Mangilao, Guam. "Proceeds of the concert were for the benefit of the Redemptorist Mater Archdiocesan Missionary Seminary of Guam and the victims of tropical storm Sendong," ayon sa ulat. Si Archbishop Anthony Apuron ang naghandog sa nalikom na US$3950.40 (PhP 170,800) para sa mga biktima ng Sendong matapos ang concert. Dumalo sa concert at check presentation si Philippine Consul General Bayani Mangibin at ilan pang mga Consulate officer at staff. Samantala, nagsagawa rin ng concert ang ilang Pilipino sa Australia at nakalikom ng mahigit PhP260,000 para rin sa mga biktima ni Sendong. Naghandog ang Philippine Community Council (PCC) ng New South Wales ng check na nagkakahalaga ng A$5,764 (Php 263,228.34) kay Consul General Anne Jalando-on Louis noong Pebrero 17. "The amount was raised through a benefit concert dubbed 'Bukas Palad,' which PCC organized on February 5. It will be sent by PCC to the Department of Social Welfare and Development as its contribution to the Philippine government's program to build houses for the families affected by the calamity," ayon sa DFA sa hiwalay na ulat. Isinagawa ang "Bukas Palad" concert sa Bowman Hall sa Blacktwon City kung saan mayroong 21 mga Pilipino at Australian ang nagtanghal. Kabilang sa mga panauhin sa pagtatanghal ay sina State Representative for Riverstone Kevin Connolly, Blacktown City Mayor Alan Pendleton, Blacktown City Councillors Edmond Atalla, George Billic, Jacqueline Donaldson at Penrith City Councillor Prue Guillaume. Maliban sa halagang ibinigay, nagpadala rin ng goods ang Filipino Community mula Voffs Harbour City na ibinigay nina Peter at Jenilee Burke sa PCC upang mapadala rin sa mga biktima ng bagyo. Nauna nang nagpadala ang PCC, isang umbrella organization ng mga Filipino community association sa New South Wales, ng A$7,155 (PhP 329,068.73) noong Enero. Mahigit 1,268 ang namatay sanhi ng flash floods at landslides sanhi ng bayong Sendong, habang P1.7 bilyon namang halaga ng ari-arian ang nasira sa pananalasa ng bagyo noong Disyembre ng nakaraang taon. Nagpapasalamat naman gobyerno ng Pilipinas sa mga naunang tulong mula abroad tulad ng nanggaling Spain, Luxembourg at Japan. — LBG, GMA News