Mula sa Iloilo ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa bar exams sa Pinas
Kilala niyo ba kung sino ang dating mahistrado ng Korte Suprema na nagmula sa Iloilo na nakakuha ng pinakamataas na marka sa bar exams sa Pilipinas? Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nabubura ang pinakamataas na marka sa bar exam na 96.7% na naitala noong 1954 ni Florenz Regalado, isinilang sa Concepcion, Iloilo noong October 13, 1928. Si Regalado ay magna cum laude na nagtapos ng abogasya sa San Beda College noong 1954, ang taon na kumuha rin siya ng bar exam at nanguna sa naturang pagsusulit. Pagkaraan ng 34 na taon mula nang pumasa at manguna sa bar, hinirang ni dating Pangulong Cory Aquino noong 1988 ang noo’y 60-anyos na si Regalado bilang associate justice ng Korte Suprema. Ngunit bago naging mahistrado, nagsilbi muna si Regalado bilang dean ng College of Law ng San Beda. Nagretiro si Regalado sa SC noong 1998. -- FRJimenez, GMA News