ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Matandang babae na bibisita sa anak na nagtatrabaho sa ospital, nabundol


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang matandang babae ang namatay nitong Martes ng umaga matapos siyang mabundol ng isang armored van habang tumatawid sa MacArthur Highway sa Balanga City, Bataan. Patungo sana ang biktimang si Estella Reyes, 57-anyos, ng Remaville Subdivision sa barangay Tuyo, Balanga City, sa St. Joseph Hospital kung saan nagtatrabaho ang anak nang maganap ang aksidente. Mabilis na isinugod si Reyes sa St. Joseph Hospital dakong 7:10 a.m. pero binawian din siya ng buhay pagkaraan lang ng mahigit isang oras. Kuwento ni Maximino Reyes, Jr., naglalakad ang kanyang asawa at patawid sa kabilang kalsada upang puntahan ang kanilang anak na babae sa ospital nang mangyari ang aksidente. Batay sa report ng pulisya, lumabas mula sa paradahan ng Planters Bank ang armored van (ATP-1419) na minamaneho ni Richard Aldea, 40-anyos, residente ng Paluig, Zambales, nang mabundol nito si Gng Reyes. Inihahanda na ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban kay Aldea. Sinabi naman ni G. Reyes na nangako ang kumpanya ng armored van na sasagutin ang lahat ng gastusin sa kanyang pumanaw na misis. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News