Pagkontra ng Comelec sa piyansa ni Arroyo, suportado ng Malacanang
Suportado ng Malacañang ang posisyon ng Commission on Elections na tutulan na makapagpiyansa si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kinakaharap nitong kaso na electoral sabotage. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, ipinauubaya ng Palasyo sa Comelec ang mga nararapat gawin sa anumang magiging hakbang ng kampo ni Arroyo kaugnay sa mga kinakaharap nitong kaso. “We will defer to the position taken by the Comelec, sila ang nagpo-prosecute niyan," pahayag ng opisyal sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. “Ang Comelec na ang po-position kung ano ang kanilang gagawin sa application for bail," dagdag ni Valte. Una rito, nagpahayag ang Comelec na haharangin nito ang mosyon ni Arroyo sa Pasay court na payagang siyang makapagpiyansa para makakuha ng pansamantalang kalayaan. Ilan buwan nang naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Hospital dahil sa kasong electoral sabotage na isinampa laban sa kanya ng Comelec. Iginiit ni Atty Benjamin Santos, abogado ni Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, na may karapatan ang kanyang kliyente na makapagpiyansa. — FRJ, GMA News