ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Payo ni PNoy sa PMA grads: Labanan ang katiwalian


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinayuhan ni Pangulong Benigno Aquino III ang nagtapos na Class 2012 ng Philippine Military Academy nitong Linggo na huwag magpadala sa tukso ng korapsyon sa pagharap nila sa kanilang katungkulan. Sa kanyang talumpati sa graduation rites ng 187 miyembro ng "Bagwis" Class 2012 ng PMA sa Fort del Pilar sa Baguio City, inihayag ni Aquino na ang tukso ng katiwalian ang isa sa pinakamahirap na kalaban. “Huwag sana kayo magugulat kung sasabihin kong congratulations, tapos na ang apat na taon ninyong bakasyon dito sa Fort del Pilar. Tapos na po ang practice, simula na ang pagharap sa tunay na suliranin ng inyong piniling larangan, ang pagtugon sa tunay na problema ng ating lipunan. Panahon ang tunay na sukatan ng inyong pagkakawal ... at higit sa lahat marahil ang pagkatao ang pagharap sa sangandaan,” aniya. Ayon kay Aquino, isa sa pinakamapanganib na kaaway nila ay hindi lamang ang mga armadong grupo sa kabundukan o ang mga kriminal sa lunsod, kundi gayon din ang mga taong maaaring magtukso sa kanila upang gumawa ng hindi tama. “Hindi [lang] armadong grupo sa kabundukan o masamang elemento sa lungsod ang inyong dapat labanan, nariyan ang tukso ng katiwalian,” ani Aquino. Sa nakaraan, nagkaroon ng ilang corruption scandals sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang na ang ilang mga pinunong opisyal at mga nakaraang comptrollers at chief of staff. Isa sa mga halimbawa na binanggit ng Pangulo ay ang pagtanggi ng bribe mula sa smuggler ng mga illegal na troso upang payagang dumaan sa lugar na kanilang kinasasakupan. “Maliwanag sa inyo bawal ito, tatanggap ba kayo ng sobre at titingin ng malayo habang daos-daos nila ang troso sa inyo? ... Kapalit ng ginhawa ang pangmatagalang pinsala sa ating kapwa,” aniya. Ayon kay Aquino, sa tuwing pagbibigyan nila ang tukso ng korapsyon, magkakaroon ng “Juan and Juana dela Cruzes” na maghihirap. Payo ni Aquino, mahalagang makuha ng graduates ang tiwala ng tao. Aniya, ang mga sundalo ang magiging armas upang protektahan ang mga ordinaryong Pilipino mula sa mga kalaban. “Huwag ninyong kalimutan na kahit sa anong bakbakan ang laging mananaig ay ang pinapanigan ng taumbayan,” aniya. Samantala, iginiit ni Aquino na isinasagawa na ng kanyang administrasyon ang kanilang parte upang matulungan ang mga sundalo. Aniya, nagtayo na ng 21,800 housing units ang kanyang administrasyon para sa mga pulis at sundalo sa Luzon. Magkakaroon pa ng dagdag 31,200 units para sa susunod na 15 buwan. Kabilang ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection sa beneficiaries housing program. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News