ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Korte, inaprubahan ang writ of amparo para kay ex-NBI chief Gatdula


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinagbigyan ng Manila court nitong Martes ang petisyon ng isinasanteng National Bureau of Investigation (NBI) chief na si Magtanggol Gatdula para sa writ of amparo na magbibigay proteksyon sa kanya at sa kanyang pamilya mula sa panganib. Inutos ni Manila Judge Silvino Pampilo Jr. ang pagbibigay proteksyon kay Gatdula at sa kanyang pamilya laban kay Justice Secretary Leila de Lima, NBI OIC Nonato Rojas at NBI deputy director Reynaldo Esmeralda, ayon sa ulat ng radio dzBB. Nakasaad sa ulat na inutusan ng korte ang Police Security Protection Group ng Philippine National Police upang mabigyan ng proteksyon si Gatdula at ang kanyang pamilya. Inutos na rin nito ang imbestigasyon sa sasakyan ni Esmeralda na napinsala dulot ng ambush na naganap sa Paco district sa Manila noong Pebrero. Inugnay si Gatdula sa ambush ngunit itinanggi niya ang kinalaman niya rito. Nauna nang naghain ng writ of amparo na petisyon si Gatdula sa Manila court sapagkat mayroon umanong panganib sa kanyang buhay. Ayon kay Gatdula, kinakatakutan niya ang posibleng pag-frame ni de Lima sa kanya sa naganap sa ambush. Inihayag naman ng kanyang abugadong si Abrahan Espejo na maaaring mabuksan ang  "extra-legal killing" dahil sa ambush. Hiniling din ni Gatdula sa korte na patigilin si de Lima, at pati na rin sina NBI Officer-in-Charge Nonnatus Rojas at Esmeralda “from further threatening the life, liberty and security of the petitioner and his family.” Isinasante si Gatdula noong unang bahagi ng taon dahil sa kaugnayan niya umano sa abduction at extortion ng isang Japanese woman. Itinanggi niya ang mga alegasyon. - Amanda Fernandez, VVP, GMA News