Singil ng VAT sa gamot, pinatatanggal
Matapos matuklasan na hindi lubos na naipatutupad ang Cheaper Medicine Act, naghain ng panukalang batas nitong Huwebes si Sen. Manny Villar upang alisin ang 12 percent value-added tax sa mga gamot. Sa pamamagitan ng naturang panukalang batas, naniniwala ang mambabatas na tuluyang mapapababa ang presyo ng mga gamot na bigong maipatupad sa pinagtibay na Cheaper Medicine Act. “Hindi naman talaga dapat na patungan pa ng VAT ang gamot. Dagdag na pahirap po iyan sa mga mahihirap na kababayan natin na may sakit. Kulang na nga ang pambili nila ng pagkain, lalong hindi nila kayang bumili ng mahal na gamot," paliwanag ni Villar, chairman ng Quality Affordable Medicine Oversight Committee ng Senado. Sa isinagawang pagdinig ng komite ni Villar noong Lunes, hinihinalang mayroong sumasabotahe sa batas ng cheaper medicine kaya hindi nangyayari ang layunin ng naturang batas na mapamura ang presyo ng mga gamot. Kabilang sa pinuna ng senador ay ang pananatiling mataas ang presyo ng mga tinatawag na life saving drugs na dapat hindi lumampas sa itinakdang price ceiling sa ilalim ng batas. “Parang binabalewala itong batas na ito (cheaper medicine). Kailangan masiguro natin na hindi babalewalain ito ng mga departamento at sektor na dapat mag-implementa nito," ani Villar. Sa Senate Bill 3163 na mag-aalis ng singil sa VAT sa gamot, ipinaliwanag ni Villar na gagawing exempted sa Republic Act 8424 o National Internal Revenue Code, ang “sale and importation of drugs, medicines, pharmaceutical products and related raw materials and pharmaceutical equipment and instruments used for drug manufacturing." Ang anak ni Villar na si Las Pinas Rep. Mark Villar ang naghain ng counterpart bill sa Kamara de Representantes sa pamamagitan ng House Bill 6051. Ayon sa nakababatang Villar, malaking pabigat sa mga mahihirap na pamilya ang gastusin sa napakamahal na gamot. Sa Family Income and Expenditure Survey na isinagawa ng National Statistics Office, lumitaw na malaking bahagi ng kita ng pamilya ang napupunta sa pagpapagamot at pambili ng gamot. “The removal of tariffs and VAT on medicines will lead to significant savings for our people and makes healthcare more affordable to every Filipino," ayon kay Sen Villar, chairman din ng Senate Committee on Trade and Commerce. -- FRJ, GMA News