Tricycle driver sa Bataan, pinagbabaril, patay
Patay ang isang tricycle driver nang pinagbabaril siya ng salarin sa kanyang tinitirhan sa Abucay, Bataan nitong Lunes ng hapon. Ayon kay SPO3 Allan Salalila ng Abucay police, nagtamo ng pitong tama ng bala mula sa kalibre 45 baril ang biktimang si Troy Munoz, residente ng Brgy Mabatang, Abucay. Natagpuan ang bangkay ni Munoz sa tapat ng bahay ng kanyang kapitbahay dakong 1:40 p.m. nitong Lunes. Bagaman maliwanag pa ang araw nang mangyari ang krimen, wala umanong gustong magsalita sa mga residente sa lugar, ayon sa pulisya. Ngunit kwento ng isang bata, dalawang lalaki ang nakita niyang tumalilis at sumakay sa tricycle papuntang highway matapos ang pamamaril. Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo ng pagpatay. -- EEsconde/FRJ, GMA News