ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Manhunt operation vs dating Palawan gov, iba pa, sinimulan na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinimulan na ang manhunt operation sa Palawan laban sa dating gobernador ng probinsya na si Joel Reyes at sa kanyang kapatid, kahit nakasaad sa arrest warrant na sa Makati City sa Metro Manila na ito naninirahan. Sa panayam ng GMA News Online, inihayag ni Chief Superintendent Romulo Hicban, tagapagsalita ng MIMAROPA police, na maaaring nanatili sa probinsya si Reyes at ang kanyang kapatid na si Coron Mayor Mario Reyes Jr. Nauna nang naglabas ng "lookout" order ang Department of Justice laban sa magkapatid na Reyes, at kay dating Palawan administrator Romeo Serratubias at sa provincial government employees na sina Arturo Regalado at Percival Lecias na nasasangkot sa pagpatay kay environmentalist at radio broadcaster na si Gerry Ortega noong Enero 2011. Kasalakuyan nang nasa pangangalaga ng mga pulis si Seratubias. "So far, nagma-manhunt operation o nago-Oplan Manhunt pa din kami dito to serve the arrest warrant against ex-governor Reyes and Mayor Reyes," ayon kay Hicban. Inilabas na ng Palawan police ang kopya ng kanilang arrest warrant, na inihain ng Palawan Regional Trial Court nitong Martes. Pinamumunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang manhunt operation sa Palawan, dagdag pa ni Hicban. Maliban sa pagiging broadcaster, kilala rin si Ortega bilang isang prominenteng civic leader at veterinarian na minsan ding namuno sa isang kilalang crocodile farm ng Palawan sa Puerto Princesa City. Ayon kay Hicban, wala pa silang nakukuhang impormasyon mula sa Makati City Police kung na-serve na ang warrant sa magkapatid na Reyes. Nang tanungin kung saan hahanapin ng mga imbestigador ang mga suspek, isinagot lamang ni Hicban na: "Sa ngayon, 'di ko pa alam ang target na lugar ng CIDG." Inihayag naman ni Interior Secretary Jesse Robredo noong Miyerkules sa GMA News Online na bibigyan ng gobyerno ang magkapatid na Reyes ng panahong sumuko bago sila ituring na "fugitives." Ipinag-utos ng korte ang pag-aresto matapos baliktarin ng DOJ prosecutors ang naunang ruling na nagbabasura sa kaso laban sa magkapatid na Reyes at sa iba idinawit sa krimen dahil sa umano'y kakulangan sa ebidensiya. Ayon naman sa abugado ni Reyes na si Ferdinand Topacio, ang pagkakasangkot ng kanyang kliyente sa kaso ay "politically motivated" lamang. Idinagdag pa niyang ang arrest warrant laban sa kanyang kliyente ay nagpapakita lamang sa "political and financial muscle of those who are out to persecute [them]." Samantala, ikinatuwa naman ng pamilya ni Ortega ang arrest order. Sa isang statement, inihayag ng pamilyang Ortiga na: "We're happy that finally the wheel of justice is moving... We also hope that the other cases of impunity get the same attention from our government without having to go through what we had to endure in the past 14 months." — Amanda Fernandez /LBG, GMA News