ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

HS student sa Cebu na may pic sa Facebook na nakabikini, kasali sa graduation march


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil sa ipinalabas na temporary restraining order (TRO) ng korte, pinayagan na makasama sa martsa sa graduation ceremony ang isang babaeng high school student sa Cebu sa Biyernes. Sa ulat ni GMA News reporter Victoria Tulad sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabing ang TRO ay nag-aatas sa Saint Theresa's College na ipagpaliban ang pagpapatupad ng kanilang kaparusahan sa estudyante. Naunang iniulat na hindi pinayagan ng paaralan na makasama sa martsa ang estudyante dahil sa paglabag nito sa patakaran ng eskuwelahan nang magpost umano ito ng kanyang larawan sa Facebook na naka-bikini. Sadyang hindi pinangalanan ang babae dahil sa kanyang pagiging minor de edad. Ang naturang parusa ng eskuwelahan ay pinalagan ng mga magulang ng estudyante at dumulog sa korte. “The order of the judge, of the court (ay) i-restrain lang ang imposition ng sanction, it’s temporary in nature. After the trial of the merit, then there will be final or permanent injunction," paliwanag ni Atty Enrique Lacerna, abogado ng estudyante. Sinabi naman ni Department of Education (DepEd) assistant secretary Tonisito Umali, na kinikilala ng kagawaran ang karapatan ng mga pribadong paaralan. “Kung ang parusang ipapataw ay lalabag sa ating batas, pwedeng pumasok ang DepEd doon. Ngunit kung hindi naman, aming kinikilala," paliwanag ng opisyal. -- FRJimenez, GMA News

Tags: cebu, graduation