ProGay, umaasang papayagang makasali rin ang mga transsexual sa Bb. Pilipinas
Matapos payagan ng Miss Universe Organization (MUO) na makasali ang isang transgender sa Miss Universe Pageant, umaasa ang isang grupo na nagtataguyod sa karapatan ng mga bakla na papayagan din na makasali ang mga "transwoman" sa Bb. Pilipinas Pageant. Sa isang pahayag nitong Huwebes, pinuri ni Goya Candelario, tagapagsalita ng ProGay Philippines, ang desisyon ng MUO na makasali sa timpalak pagandahan ng mga babae ang Canadian transwoman na si Jenna Talackova, 23-anyos. Naging kontrobersiyal ang naturang usapin dahil noong una ay diniskuwalipika si Talackova sa Miss Universe Canada competition dahil hindi siya isinilang na babae. Sinasabing sumailalim sa “gender reassignment" surgery si Talackova noong siya ay 19 anyos pa lamang. Ayon kay Candelario, ang laban ni Talackova ay laban din ng mga bakla at transgender, at umaasa silang magiging daan ito para tularan ng pamunuan ng Bb. Pilipinas ang ginawa ng MUO. Kasabay nito, nanawagan si Candelario kay 1999 Miss Universe runner-up Miriam Quiambao na ikonsidera nito ang posisyon na hindi dapat payagang makasali sa mga beauty pageant ng babae ang mga transsexual. "We ask our idol Ms. Quiambao to be more thoughtful and welcome her sisters among the ranks of women who fight for equal rights," hiling ni Candelario. Sa text message naman sa GMA News Online, tinawag ni Rica Paras na “harsh" ang naging pahayag ni Quiambao tungkol sa isyu ng pagsali ng mga transgender sa beauty pageant ng mga babae. “I think it is an issue of discriminatory policy that MUO is correcting, and thus they become more humane. Credibility is open for interpretation and can be oppressive," ayon kay Paras, isang transgender woman at dating reality show contestant. Bagaman umaasa siya na papayagan din ang mga transsexual na makasali sa Bb. Pilipinas, aminado rin si Paras na mahirap itong mangyari. “Feeling ko mahirap baguhin ang pananaw nila at tumanggap ng transsexual contestant," ani Paras. – FRJ, GMA News