ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Belmonte, sinalungat si Abad tungkol sa pagpapalabas ng 'pork barrel'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinontra ni Speaker Feliciano Belmonte Jr nitong Biyernes ang pahayag ng pinuno ng Department of Budget and Management (DBM) na ang mahigpit na patakaran sa Priority Development Assistance Funds (PDAF), na ginawa mismo ng mga mambabatas ang nagpapatagal sa pagpapalabas ng naturang pondo na kilala rin bilang pork barrel fund. “I don’t know what Sec. Abad (DBM secretary Florencio “Butch" Abad Jr.) is talking about. As long as the PDAF is released on time, he can say what he wants," ayon kay Belmonte sa ipinadala nitong text message. Ilang kongresista – partikular ang mga kasapi ng oposisyon – ang nagrereklamo sa matagal na pagpapalabas ng kanilang pondo. Una rito, sinabi ni Abad na sadyang naghipit ang pamahalaan sa pagpapalabas ng pondo para matiyak na nagagamit ng tama ang pondo at hindi ito naabuso lalo na ngayon na malapit na ang halalan. Ang bawat kongresista ay may alokasyon na P70 milyon na PDAF bawat taon, habang tig-P200 milyon naman ang mga senador. Iginiit naman ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong, na bagaman ang Kongreso ang gumagawa ng taunang budget, ang Malacañang pa rin ang nagdedesisyon kung ipalalabas ang pondo. “Congress appropriates but it's the Executive that controls the release of the funds. Therefore, if anything goes wrong whereas the release, the Executive is in charge of it," paliwanag nito. Sinabi naman ni Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay, kritiko ng administrasyon, na nasa implementasyon ng pagpapalabas ng pondo ng Palasyo ang problema. Kabilang si Magsaysay sa mga kongresista na hindi pa nakakakuha umano ng kanilang PDAF. Kasama niya sina Reps. Diosdado “Dato" Arroyo (Camarines Sur), Augusto Syjuco (Iloilo) at Juan Miguel “Mikey" Arroyo ( Ang Galing Pinoy party-list). Dahil sa paghihipit sa pagpapalabas ng pondo, sinabi ni Magsaysay na maging ang mga kaalyado ng administrasyon ay tila pinagdududahan ni Abad sa paggamit ng PDAF dahil na rin sa mga isinumiteng realignment sa paglalaanan ng pondo. “Doesn’t he trust their own allies that they will use it wisely and above board? He apparently distrusts his own allies," ayon kay Magsaysay. - RP/FRJ, GMA News

Tags: porkbarrel