ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hinihinalang holdaper, napatay ng mga pulis sa Tundo, Maynila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang lalaki na katatapos lang umanong holdapin ang isang babae ang napatay ng mga nagpapatrolyang pulis sa Tundo, Maynila. Sa ulat ni GMA News reporter Micaela Papa sa Balitanghali nitong Sabado, sinabing nanlaban umano sa mga pulis ang napatay na suspek na si Marlon Esperal. Nanginginig sa takot na ikinuwento ng biktimang si Maribeth Dumawit ang umano’y pagholdap sa kanya ni Esperal sa kanto ng Recto at Abad Santos sa Tundo. “Nag-aabang po ako ng sasakyan sabay biglang may lumapit sa akin. Tinutukan po ako ng baril sabay hinablot po yung bag ko na kulay itim. Buti na lang po may nakita akong dumadaan na pulis, sinabi ko sa kanila," ayon kay Dumawit. Ayon sa pulisya, nagpaputok ng baril si Esperal nang abutin ng mga humahabol na pulis. “Nang aabutan na, pinapahinto, hindi na huminto. Alam niya pulis na humahabol sa kanya at katatapos lang ng insidente eh nakipagputukan na," kuwento naman ni Police Supt Ernesto Tendero, commander MPD Station 2. Nakuha sa tabi ng bangkay ng suspek ang bag ni Dumawit at isang baril. Dahil talamak daw ang holdapan sa lugar, ipinangako ng pulisya na lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga kriminal. - FRJimenez, GMA News

Tags: robbery, holdup