Resulta ng power summit, binatikos ng dalawang Mindanao bishops
Binatikos ng dalawang Mindanao bishops ang naging resulta ng power summit sa Davao City na dinaluhan ng Pangulong Benigno Aquino III at iba pang mga stakeholder. Inihayag nina Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez at Apostolic Vicariate of Jolo Bishop Angelito Lampon ang hindi nila pagsang-ayon sa naging pahayag ni Aquino. Ayon sa Pangulo, kinakailangang magbigay ng dagdag na bayad ang mga residente ng Mindanao upang magkaroon ng stable na power supply sa buong rehiyon. Ngunit iginiit ni Bishop Gutierrez na hindi makatarungang ang pagpataw ng dagdag singil. “Hindi naman kasalanan ng mga taga-Mindanao kung bakit nagkakaroon ng power crisis sa rehiyon. Kasalanan ng pamahalaan ang power shortage dahil sa kanilang kapabayaan at mga maling polisiya...," pahayag ni Bishop Gutierrez sa Radio Veritas Para kay Bishop Lampon, ang naging pahayag ni Pangulong Aquino ay nagpapatunay lamang umano sa kapabayaan at kawalan ng “insight” ng gobyerno sa power crisis sa Mindanao. Naniniwala si Bishop Lampon na maraming alternatibong paraan na maaaring gawin ng gobyerno tulad ng paggawa ng mga hydro-power plant at pagpapa-unlad sa renewable energy sa Mindanao, sa halip na pahirapan ang mga mamamayan. “Sa ngayon, we are forced to accept the reality to pay more. But that also shows the neglect and lack of insight on the part of the government," aniya. Mahigpit ding tinututulan nina Bishop Gutierrez at Bishop Lampon ang panukalang mag-develop ng mga nuclear power plant at biomass sa rehiyon ng Mindanao upang matugunan ang power crisis. “[Hindi] okay ang pagtatayo ng nuclear power plant kasi marami tayong fault lines sa Filipinas partikular sa Mindanao dahil kapag lumindol ng malakas ay tapos tayong lahat," giit ni Lampon sa Radio Veritas. — may kasamang ulat ni Amanda Fernandez / LBG, GMA News