Fire chief na napatay sa pamamaril ng pulis Makati, inilibing na
Inilibing na ang fire chief na napatay ng mga pulis noong Abril 1 sa lungsod ng Makati matapos mapagkamalang magnanakaw. Nasawi si Ronald Infante, chief ng Manila Setba Fire Volunteer Brigade Inc., at ang kanyang kasama matapos silang mapagkamalang "robbers riding in tandem," ayon sa ulat ni Ian Cruz para sa "24 Oras." Sa huling Misa na idinaos para sa dalawa, nagpasalamat ang ama ni Infante sa mga naki-isa sa kanila sa paghahanap ng hustisya para sa kanyang anak. Naki-usap din siyang maging mahinahon ang lahat. "Maipapakita natin sa mata ng tao, sa mata ng Diyos, na tayo ay tunay na bumbero," aniya. Samantala, bago ihatid sa kanyang huling hantungan sa Manila North Cemetary, nagsagawa ng isang motorcade ang kanyang mga kamag-anak at daan-daang mga bumbero. Isang daang firetrucks din ang isinama sa funeral motorcade mula sa Maynila hanggang sa Makati. Pagdating sa Lacuña Street sa Bangkal, Makati City, kung saan nabaril si Infante at ang kanyang kasama, kina-usap at kinamayan ng pinuno ng Makati pulis ang asawa ni Infante. Sa huling seremonya sa Manila North Cementary, binigyang pugay si Infante sa pamamagitan ng pagpatunog ng sirena ng mga firetruck at sa isang water salute bago ito tuluyang ihatid sa kanyang huling hantungan. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News