ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Erap, namigay ng regalo sa mga residente ng Payatas, QC
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Naghandog ng mga regalo si dating Pangulong Joseph Estrada sa mga residente ng Payatas, Quezon City isang araw bago sumapit ang kanyang ika-75 na kaarawan.
Maliban dito, nagbigay din siya ng mga regalo sa iba pang mga komunidad, kabilang ang Baseco compound sa Tondo at “Erap City” sa Taytay, Rizal, isang resettlement project na kanyang sinimulan noong termino niya bilang pangulo.
Maagang pangangampanya?
Itinanggi naman ni Estrada na maagang pangangampanya ang outreach programs na kanyang isinasagawa para sa kanyang kaarawan.
Sa mga naunang ulat, inihayag ni Estrada ang posible niyang pagtakbo bilang mayor ng lungsod ng Maynila sa darating na eleksyon sa 2013.
Sa panayam kay Howie Severino sa News To Go ng GMA News TV, pinabulaanan ni Estrada na electioneering ang pamimigay niya ng mga regalo.
Ayon sa kanya, naging “panata” na niyang tumulong sa mga kapus-palad na Pilipino. Giit niya, mayor pa lamang siya ng San Juan nang simulan niya ang kagawiang ito.
Aminado naman si Estrada na “malalim” niyang pinag-iisipan ang pagtakbo sa darating na midterm elections sa susunod na taon.
Kamakailan, nagsanib-pwersa ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni Estrada at Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) ni Vice President Jejomar Binay upang mabuo ang United Nationalist Alliance (UNA).
Nakatakdang magpulong ang mga lider ng PDP-Laban at PMP sa susunod na linggo upang ayusin ang lineup ng kanilang mga kandidato.
‘Ayos na ayos!’
Nang tanungin ukol sa lagay ng kanyang kalusugan, sinabi ni Estrada na wala siyang iniindang karamdaman, at sa halip ay “ayos na ayos” pa ang kanyang pangangatawan.
Nagpasalamat din si Estrada sa Diyos dahil maayos ang magandang estado ng kanyang kalusugan, maaari pa siyang makatulong sa kapwa.
“Siguro ay kailangan ko pang makatulong sa ating mga kapus-palad na kababayan,” ani Estrada. — Ralph Angelo Ty at Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular