Mababang ratings ng PNoy govt sa Pulse Asia, dapat daw magsilbing paalala
Dapat daw magsilbing paalala sa pamahalaang Aquino ang resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia kung saan naging mababa ang marka ng gobyerno sa pitong importanteng usapin sa bansa. Sinabi ni Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo, na makabubuti sa pamahalaan kung pagninilayan ng mga nakaupong opisyal ang kanilang sarili at pagtugon sa mga problema ng bayan. Panahon na umano para suriin ng mga opisyal ng pamahalaan kung natutugunan nila ng maayos ang hinaing ng mga tao tungkol sa iba’t ibang problema katulad ng kahirapan. "It is a warning. Dapat mag-examine ng konsensya, ‘yan ang termino ng Simbahan kapag nakakakita tayo ng criticism na ganyan. It is an indication to examine our conscience para tanungin natin bakit ganito, pwede pa bang i-improve o kung papano natin iimprove ang sitwasyon," pahayag sa Radyo Veritas ni Lagdameo, dating lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Batay sa ipinalabas na ulat ng Pulse Asia, 60 percent ang markang nakuha ng pamahalaan sa paglaban ng katiwalian; 57 percent sa paglaban sa kriminalidad; 57 percent sa pagpapatupad ng patas na batas ; at 52 percent sa pagsusulong ng kapayapaan sa bansa. Sinabi naman ni Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, na inaasahan na niya ang unti-unting pagkalagas ng tiwala ng tao sa administrasyong Aquino dahil sa kahinaan umano ng gobyerno na tugunan ang mga problema ng bansa. Pinuna niya na nagiging reactionary lamang at hindi pro-active ang kasalukuyang pamahalaan pagdating sa mga problema ng Pilipinas. "Ang pagbaba na ‘yan o mababang marka na nakuha ng pangulo ay batay lang naman sa katotohanan at nakikita nila sa pamahalaan ngayon," ayon kay Cruz sa hiwalay na panayam ng Radyo Veritas. “Reaksyunaryo kasi ang pamahalaang ito. Walang pro-active measures kung papaano tugunan ang mga malalaking problema ng bayan. Sabi nga, as the head is, so are the members. Kapag ang namuno ay mahina, mahirap mo ikatwiran na ang mga nakapaligid ay magaling o mabuti," dagdag niya. -- MP/FRJ, GMA News