DOH nagsagawa ng disinfection at sanitation drive sa NBP
Bunsod sa mabilis na pagkalat ng mga sakit sa mga bilangguan ngayong panahon ng tag-init, nagsagawa ang Department of Health ng disinfection at sanitation drive sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Ayon kay Eduardo Janairo ng Center for Health Development ng DOH, mas mabilis kumalat ang mga nakahahawang sakit sa lugar na puno ng tao at pati na rin sa mga communal na lugar tulad ng mga comfort room, shower area at living quarter. Babala ni Janairo sa panayam ng radio dzBB nitong Huwebes, mas madaling magkasakit ngayon dulot ng pabago-bagong panahon tulad ng biglaang pag-ulan sa gitna ng mainit na panahon. Ikinalulungkot naman ng DOH ang pagkamatay ng isang inmate dahil sa heat stroke, ayon sa ulat. Pumanaw ang isang inmate mula Ilocos Norte nitong linggo dahil umano sa matinding init. Target na lugar Inaasahang magsasagawa ng disinfection at sanitation sa ospital ng NBP, prison cells, TB-DOTS Center, receiving area, at pati na rin sa kanilang communal na kwarto at banyo. Nauna nang nagsagawa ng sanitation at disinfection sa Molave Youth Center, Quezon City Hall compound, at Tahanan Rehabilitation Center at Molave Rehabilitation and Action Center, kapwang matatagpuan sa Payatas, Quezon City. Personal hygiene Sa isang news release sa Official Gazette website, hinikayat ng DOH ang pananatili ng personal hygiene, kabilang na ang tamang paghugas ng mga kamay at regular na pagliligo, at masusing paglilinis ng mga pasilidad. Ayon sa DOH, matapos silang magsagawa ng disinfection, responsibilidad ng institusyon na panatilihin ang kalinisan at magsagawa ng mga precaution upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa mga bilanggo. Mahalaga rin umanong panatilihing malinis ang tools, utensils, at iba pa nilang kagamitan. “In addition, there is also the risk of infectious diseases being spread to facilities that are frequently being overcrowded and congested. It is therefore vital that cells of inmates are properly sanitized and regularly cleaned because it is essential in ensuring that viruses and bacteria will not be not transmitted to people,” dagdag ni Janairo. “As a general rule, everyone should practice proper personal hygiene as it is sufficient in preventing and controlling the spread of microorganisms that cause diseases,” aniya. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News