Grupong namemeke raw ng postpaid application para makakuha ng cellphone, huli sa Cebu
Lima katao – kabilang ang isang minor-de-edad – ang dinakip ng mga awtoridad dahil sa umano’y pamemeke ng kanilang aplikasyon para makapag-apply sa postpaid plan ng isang telecom company upang makakuha ng mamahaling cellphone. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing gumagamit umano ng mga pekeng identification card at reference person ang grupo para makapag-aplay sa postpaid plan. Kapag nakuha na ang libreng cellphone, sinasabing ibebenta na ang sindikato ang unit sa mas mababang halaga at hindi na mahahagilap pa ng telecom company. Ayon kay Chief Inspector Bonifacio Garciano, matagal na umano ang naturang modus at mayroon na ring ibang grupo gumagamit ng naturang taktika ng panloloko sa mga telecom company. Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit P100,000 halaga ng cell phone at mga ID na may iba’t ibang pangalan. Mahaharap ang mga nadakip sa kasong illegal use of alias at estafa. – FRJ, GMA News