Madugong Parañaque demolition iimbestigahan na rin ng NBI
Iimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang madugong demolisyon sa Sucat, Parañaque City nitong Lunes kung saan isang 21-taong-gulang na lalaki ang namatay. Mahigit 30 katao rin ang nasugatan nang mauwi sa batuhan at hampasan sa pagitan ng mga pulis at ilang residente ang militante ang dapat sana’y mapayapang pagsira ng talipapa sa Silverio Compound. Napagkasunduan ang pagpasok ng NBI sa eksena matapos ang pulong nina Justice Undersecretary Francisco Baraan III at Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño at ilang residente ng Silverio Compound nitong Martes. "We will have to ask the NBI to immediately conduct an initial investigation sa mga nasugatan at mag-autopsy sa namatay at gumawa ng forensic at technical investigation," ani Baraan. Ayon pa kay Baraan, gagamitin ang ebidensyang makakalap ng NBI sa posibleng paghahain ng kaso laban sa sinumang tinuturong nagpasimula ng gulo, kabilang na ang mga pulis. Civil action Ayon naman kay Casiño, balak nilang maghain ng hiwalay na civil action suit laban sa mga pulis at opisyal ng lokal na pamahalaan na sangkot sa insidente. Aniya, hihingi sila ng tulong mula sa Public Attorney’s Office para rito. Sa tulong ng mga pulis, nagsagawa ng demolisyon ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa nasabing talipapa upang gawing low-cost housing subdivision. Iginiit ni Casiño na mas marami pang sugatan kaysa sa naiulat sa media. "Marami pa hong sugatan sa loob ng compound pero natatakot lang lumabas dahil sila ay nangangambang sila ay dukutin o hulihin," aniya. Nang tinanong kung bakit hindi sila humingi ng tulong mula sa Department of Interior at Local Government (DILG), sinabi ni Casiño na mas may tiwala ang mga apektadong residente sa Department of Justice. "Makikipag-ugnayan din kami sa DILG pero alam niyo naman na - sabihin na nating mas may kompyansa sa ngayon kami sa DOJ because the DILG itself was involved in the demolition. In fact, ang nag-spearhead ng demolition ay local government itself," ani Casiño. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News