Variety show sa Cebu, natigmak ng dugo; 2 katao, patay sa pamamaril, 5 pa sugatan
Dalawa katao ang nasawi – kabilang ang asawa ng kapitan ng barangay – nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek ang mga taong nanonood ng variety show sa barangay Tamiao, sa bayan ng Compostela sa Cebu nitong Lunes ng gabi. Sa ulat ni GMA-Cebu reporter Nico Serreno sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, kinilala ang mga nasawi na sina Marilou Mahinay at Marito Yraola, mister ni Tamiao barangay captain Lilia. Kabilang din sa limang nasugatan ang isang anak ni Yraola. Naganap umano ang pamamaril sa gitna ng kasiyahan habang nanonood ang mga tao sa variety show kaugnay ng selebrasyon sa kanilang kapistahan. Kwento ng ilang saksi, si Marito ang unang pinuntirya ng mga nakatakas na suspek. Napag-alaman na kumandidatong konsehal si Marito sa Compostella noong nakaraang halalan. Ayon kay PO2 Arni Goc-Ong, ng Compostella police, marami silang tinitingnan anggulo sa naganap na krimen. Kabilang sa kanilang iniimbestigahan ang usapin ng pulitika at negosyo. - FRJ, GMA News