Nakalalasong kemikal, ginawang sabaw sa tinola; 14 katao, isinugod sa ospital
Labing-apat na empleyado ng isang kumpanya na gumagawa ng fertilizer sa Asuncion, Davao del Norte ang isinugod sa ospital matapos malason dahil sa kinaing tinola na aksidenteng nahaluan ng nakalalasong kemikal. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing lima sa mga kawani ang nakalabas na ng ospital. Samantala, ang iba naman ay nananatili sa pagamutan kasama ang dalawang nasa ICU. Inamin ng kusinero na aksidente ang pagkakalagay niya ng kemikal sa nilutong tinola. Madilim daw sa lugar dahil walang kuryente at inakala niyang tubig ang nakalagay sa galon na ginawa niyang sabaw. Nang makain ang tinola, dumaing ng pananakit ng sikmura at pagkahilo ang mga biktima kaya dinala sila sa ospital. Dito ay kinumpirma ng duktor na na-food poison ang mga biktima. Sinagot naman ng may-ari ng kumpanya ang gastusin ng mga tauhan sa ospital. – FRJ, GMA News