ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Moratorium sa demolisyon, hiniling ng obispo kung walang relokasyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kasunod ng madugong demolisyon sa Paranaque, nanawagan ang isang Obispo ng Simbahang Katoliko na magkaroon moratorium sa paggiba ng mga bahay kung walang tiyak na paglilipatan ng pamilyang maapektuhan. Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, ang kawalan ng mahusay na relokasyon ng mga mawawalan ng tirahan ang kadalasang dahilan ng mararahas na demolisyon sa lungsod. Pinuna rin ni Pabillo, chairman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines' National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (CBCP-NASSA), ang administrasyong Aquino na umano’y pinababayaan ang kapakanan at karapatan ng mga maralita. Paniwala ng obispo, mas marami ang nagaganap na demolisyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kumpara noong panahon ng liderato ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “Mas bibigyang halaga ngayon ang malalaking establishment sa ngalan ng tinatawag na kaunlaran na marami sa mga kababayan natin ay nawawalan ng tahanan," pahayag ni Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas. “Dapat ito ay sagutin ng ating pamahalaan, ano ba ang plano nila sa housing rights ng ating mga kababayan," pahabol na tanong ng obispo. Samantala, kinondena rin ng Housing Ministry ng Caritas Manila at Solidarity Philippines ang marahas at madugong demolisyon na naganap sa Paranaque City. Binatikos ni Fr. Nonong Fajardo, pinuno ng Caritas Manila Housing Ministry, ang hindi pagtutupad ng maximum tolerance ng mga pulis kaya nauwi sa karahasan ang demolisyon sa Paranaque kung saan isa ang nasawi at marami ang nasugatan.-- MP/FRJ, GMA News