ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinay maid sa UAE, nahatulan ng 6 buwang pagkabilanggo dahil sa pagnanakaw


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinatulan ng isang korte sa United Arab Emirates (UAE) ang 24-taong-gulang na Pilipina housemaid ng anim na buwang pagkabilanggo matapos mapatunayang nagnakaw ng damit at iba pang personal na gamit na nagkakahalaga ng Dh51,500 (mahigit P600,000) mula sa kanyang amo na asawa ng isang pulis. Sa ulat ng news site Emirates 24/7 noong Lunes, sinabi ni Emirati cop Hilal Ahmad na isinumbong umano sa kanya ng isa pa niyang maid na ninakaw ng Pilipina ang relos ng kanyang asawa na nagkakahalaga ng Dh47,000 (mahigit P543,000). Nakasaad sa ulat na ide-deport ang Pilipina matapos mapagsilbihan ang kanyang sentensya. Ayon kay Ahmad, nakita rin niya sa loob ng bag ng Pilipina ang mobile phone, isang silver chain, at isang gold chain ng kanyang asawa, na nagkakahalaga ng Dh4,000 (P44,000). Ayon sa ulat, nakumpiska rin ng mga pulis mula sa maid ang damit ng asawa ni Hilal at ang dalawang mobile phone ng mga anak nito. Samantala, dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang mahatulan din ng anim na buwang pagkabilanggo ang isang Pilipino sa UAE dahil din sa pagnanakaw. Nagnakaw umano ang 33-taong-gulang na assistant technician ng isang jewelry shop sa UAE ng mahigit 30 kilograms ng gold dust na nagkakahalaga ng Dh4 milyon (umaabot ng P46 milyon). Ide-deport din umano ang Filipino technician matapos mapagsilbihan ang kanyang sentensya, ayon sa ulat ng news site na Gulf News noong Abril 17. Ayon sa ulat, napag-alaman ng Sudanese general manager ng shop na nawawala ang gold dust nang magsagawa siya ng imbentaryo. Ngunit iginiit ng Pilipino na mas kaunti lamang ang gold dust na kanyang ninakaw kasya sa inilagay sa kanyang charge sheet. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News

Tags: ofws, uaeofws, theft