Pagalingan sa pagsisid, nauwi sa trahedya
Nauwi sa trahedya ang masaya sanang paligsahan sa pagsisid ng magpipinsan sa Lingayen, Pangasinan nang malunod ang isa sa kanila nitong Martes. Napag-alaman na galing sa inuman matapos dumalo sa kapistahan ang magpipinsan nang magkayayaan na maligo sa Agno River sa Barangay Aliwekwek sa Lingayen, dakong 4:00 p.m. nitong Martes. Ang paligsahan umano ng magpipinsan ay pagalingan sa pagsisid at patagalan sa ilalim ng tubig. Ayon kay Donald Dela Cruz, nakasabay niya sa paligsahan ang biktimang si Ismael Landicho, 37-anyos, isang welder, na natagpuan ang mga labi nitong Miyerkules. “Patibayan kami kung sino ang matibay sa sisiran. Nung unang ano niya kaming dalawa pa. Nakatatlong ahon na ako, siya hindi pa," kwento ni Dela cruz, pinsan ni Landicho. Hindi raw nila akalaing bibigay ang katawan ng biktima dahil kilala nila itong magaling sa pagsisid. Katunayan, nagmalaki pa umano ito na walang makakatalo sa kanya sa sisiran pero nadisgrasya siya sa sumunod na pagsisid. Muli namang nagpaalala ang pulisya na iwasang maligo sa ilog o dagat kapag nakainom. “Sa mga nandiyan sa ilog o dagat, umiwas sa pag-inom ng anumang uri ng alak. Ito’y nakakapagpahina ng katawan," ayon kay SPO1 Amelito Sabañgan, duty officer, Lingayen police. -- ALF/BARRY/FRJ, GMA News