ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo, ipinangakong poprotektahan ang press freedom


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinuri ng Malacañang nitong Huwebes ang media sa pagiging kaagapay ng gobyerno sa pagsulong ng bansa. Kasabay nito, nangako ang pamahalaan na poprotektahan ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa. “This is one of the freest in Asia and we have not curtailed and we do not intend to curtail press freedom in the country," ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day ngayong Mayo 3. “In fact you are... the press is a necessary partner in nation building so it is something we will encourage, it is something that we would like to ensure and enhance...," dagdag niya. Siniguro rin ni Lacierda na hindi titigil ang administrasyong Aquino na labanan ang mga extralegal killings sa bansa, lalo na sa pag-atake ng mga mamamahayag. “With respect to safety, I can assure you that we will not tolerate extralegal killings especially on journalists. Every time we hear an attempt on the life a media personnel, we immediately inform the PNP (Philippine National Police)," ayon sa opisyal. Noong unang bahagi ng taon, inilista ng New York-based Committee to Protect Journalists (CPJ) ang Pilipinas bilang ikalawang pinakamapanganib na lugar sa buong mundo para sa mga mamamahayag. Sa listahan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUPJ), umabot na umano sa 150 ang mga mamamahayag na napatay mula nang naibalik ang demokrasya sa bansa noong 1986. Ayon kay NUJP chairman Nestor Burgos, sa lahat ng kasong ito, 10 lamang ang naresolba. Inihayag naman sa Freedom of the Press Report 2012 ng Freedom House, isang Washington-based advocacy organization, na ang Pilipinas ang mayroong pinakamataas na kalayaan sa pamamahayag kung ikukumpara sa mga kalapit na bansa sa Southeast Asia. Sa global ranking, ang Pilipinas ay nasa 88th rank ngayong taon mula sa dating ika-93 noong 2011. Binigyan-pansin ng Freedom House ang pagbaba umano ng karahasan laban sa mga mamamahayag sa bansa. Nakatulong din umano dito ang pagsusumikap ng gobyerno upang sagutin ang impunity. Pinuri rin ang pagkakaroon ng diversity sa media ownership sa bansa. "The Philippines has been highlighted as one of ‘several key countries’ where positive changes in press freedom have been seen," ayon sa ulat. Sinabi ni Lacierda na sa pagtaas ng ranking ng Pilipinas, nabibigyan ng pagkilala ang pagsusumikap ng gobyerno na palakasin ang press freedom. "With a country rating of 42, we acknowledge that more needs to be done to further improve the country’s rating which is still considered partly free," dagdag niya. Matatandaan na kamakailan ay naglabas ng sentimyento si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa hindi umano pagbibigyan pansin ng media sa mga magagandang ginagawa ng kanyang administrasyon. - Amanda Fernandez/FRJ, GMA News