ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 lalaki, sugatan sa insidente ng pamamaril sa Leyte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang lalaki ang dinala sa ospital nitong Biyernes matapos na maging biktima ng pamamaril sa bayan ng Villaba sa lalawigan ng Leyte. Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang mangingisdang Joel Labastida, 36 taong gulang, residente ng Brgy. Hinabuyan, Villaba; habang isang tama naman ng bala sa binti ang tinamo ni Felipe Casinello 44-anyos, binata, magsasaka sa bayan ng San Isidro. Ayon kay Labastida, inaya siya ng kanyang mga kaibigan na dumalo sa pasayawan para sa bisperas ng kapistahan ng Brgy. Sta. Cruz. Nasa labas lang umano siya ng sayawan at nanonood nang bigla siyang lapitan at itulak ng hindi nakilalang suspek. Nang makitang bumunot ng baril ang suspek, tumakbo umano si Labistida pero inabutan siya sa isang gate na sarado na balak sana niyang pagtaguan. Dito ay pinagbabaril siya ng suspek at tinamaan sa tiyan, kamay, at magkabilang hita. Sa kasamaang-palad, nadamay sa insidente ng pamamaril si Casinello at tinamaan ng ligaw na bala sa binti. Sinabi ni Casinello na nagtungo siya sa Villaba dahil sa imbitasyon ng kaibigan upang magkatay naman ng baboy. Hindi umano niya inakala na tinamaan siya ng bala nang makarinig ng mga putok ng baril. Mariin ding itinanggi nina Casinello at Labastida na magkakilala sila. Ito ay matapos na paghinalaan sila ng Regional Public Safety Battalion ng Region-8 na miyembro sila ng mga rebeldeng komunista. Idinagdag ng dalawang biktima na hindi nila kilala ang salarin at wala silang alam na atraso para pagtangkaan ang kanilang buhay. -- RRoa/FRJ, GMA News