ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Senado, may 1 buwan para dinggin ang kaso ni Corona bago muling magbakasyon ang Kongreso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa Lunes, may isang buwan lamang ang Senate Impeachment Court upang tapusin ang presentasyon ng mga testigo bago muling magbakasyon ang Kongreso sa Hunyo 7. Nakasaad sa Senate Calendar na magsisimula ang Sine Die adjournment o pagtatapos ng 2nd Regular Session ng 15th Congress sa June 8 hanggang July 22. Sa July 23, magbubukas ang 3rd Regular Session kung saan magsasagawa ng kanyang taunang State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Dahil dito, inihayag ng kampo ng prosekusyon na umaasa silang hindi papayagan ng Senado na iantala ng kampo ng depensa ang paglilitis upang paabutin pa sa muling bakasyon ng Kongreso ang pagdinig. “I believe that the honorable Senate Impeachment Court will be strict on the rules because any delay or dragging this issue beyond July may further hamper the legislative work in the Senate," ayon kay Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, tagapagsalita ng House prosecution panel. Una rito, inihayag ng kampo ng depensa na hindi bababa sa 10 testigo ang kanilang ihaharap sa pagbabalik ng paglilitis sa Mayo 7. Inaasahan nila na matatapos ang pagsusumite nila ng testigo sa huling linggo ng Mayo. Bago magbakasyon ang Kongreso, apat na araw sa loob ng isang linggo isinasagawa ang paglilitis sa impeachment case ni Corona. Isinasagawa ang paglilitis sa hapon dahil inilalaan nila ang umaga sa sesyon ng Senado. Ngunit si Marikina City Rep. Miro Quimbo, tagapagsalita rin ng prosekusyon, hinihinala na bahagi ng delaying tactic ang hakbang ng kampo ng depensa na muling ipatawag sa witness stand si Justice Leila de Lima. “We submit to the decision of the Impeachment Court, but we feel that this could be an attempt to prolong the trial. Huwag sana tayong paulit-ulit para naman matapos natin ang proceedings," ayon sa kongresista. Ombudsman, pinayuhan ng kampo ni Corona Samantala, iginiit ng kampo ng depensa na hindi dapat makialam si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa usapin ng impeachment ni Corona bunga ng uman’y dollar account ng punong mahistrado. "Sa amin ito ay hindi pagrespeto sa gumugulong nang paglilitis sa Senate impeachment court sapagkat pinangungunahan nila ang presentasyon namin ng mga ebidensya," pahayag ni Paolo Rico Quicho sa pulong balitaan nitong Biyernes. Una rito, inatasan ng Ombudsman si Corona na ipaliwanag ang umano’y $10 milyong bank account nito na nabanggit sa impeachment trial sa Senado. Ngunit payo ni Quicho, dapat subaybayan na lamang muna ng Ombudsman ang gagawing paglilitis sa Senado kung saan sila magsusumite ng katibayan para sa depensa ni Corona. "Wala pang pangangailangan si [Justice] Corona na magpaliwanag sa Ombudsman sapagkat hindi pa naman kami tapos sa presentation of evidence sa Senado sa kasong ito sa impeachment," giit nit. "Hayaan muna nila kaming matapos sapagkat baka yung mga concern ng Ombudsman ay masagot na natin dito [sa Senado]," ayon pa Quicho. Naunang sinabi ni Corona na indikasyon ng paghihiganti ng Palasyo ang pagpasok ng Ombudsman sa kanyang kaso dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Hacienda Luisita na pumabor sa mga magsasaka. -- RP/FRJ, GMA News