Isang grupo ng mga OFW sa Jeddah, humingi ng tulong sa pamahalaan
JEDDAH - Isang grupo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia ang nanawagan sa pamahalaan ng Pilipinas na tulungan silang makauwi ng bansa matapos na hindi umano sundin ng kanilang kumpanya ang kanilang kontrata. Ang grupo ng mga OFW ay na kinabibilangan ng 10 babae at 12 lalaki. Kasalukuyang silang nasa pangangalaga ng Philippine Consulate General sa Jeddah habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanilang kumpanya at ahensiyang nagpaalis sa kanila. Napag-alaman na dalawang taon ang kontrata nila para magtrabaho sa KSA, pero nagsialisan na sila sa ika-walong buwan matapos na hindi tuparin ng kumpanya ang nakasaad sa kanilang kontrata. Sa panayam sa mga OFW, ipinahayag nila ang kanilang sama ng loob sa kanilang kumpanya. Reklamo nila, hindi sila binabayaran ng food allowance, iligal na kinakaltasan pa ang kanilang sahod, at pagsingil sa kanila ng placement fee. Nakararanas din umano sila ng verbal abuse, at ang mga lalaki ay may kasamang pisikal na pananakit, nagsisiksikan sila sa kuwarto at ibinaba sa 600 Riyals ang kanilang sahod mula sa napagkasunduang 1,125 Riyals. Ayon kay Demetrio Rondael Quisoy Jr., isa sa mga OFW, umaabot din sa 12 oras ang kanilang pagtatrabaho pero hindi naman sila binabayaran ng overtime. Kapag hindi sila nakapasok, tatlong araw na sahod ang inaalis sa kanila. Pinuwersa rin umano ang mga OFW na pumasok kahit may sakit. Umalis umano sila sa kumpanya at humingi ng tulong sa konsulado dahil hindi na raw nila matagalan ang hindi makataong pagtrato sa kanila. Sa ngayon, ang 10 babae ay nasa Filipino Workers Resource Center (FWRC) na nasa loob ng konsulado. Habang nasa Hajj Seaport Terminal naman ang mga lalaki. Masaya naman daw ang mga nasabing OFW sa suportang ipinagkakaloob sa kanila ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Umaasa silang makukuha nila sa kumpanya ang halagang nararapat para sa kanila at makauwi na sila sa Pilipinas. Sinabi naman ng mga opisyal ng POLO at OWWA sa Jeddah na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. Naipadala na rin umano ang kahilingan sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na mamagitan at tutukan ng ahensiyang nagpaalis sa mga OFW para maayos ang problema at mabigyan sila ng exit visa at pamasahe sa eroplano. -- Ronaldo Z. Concha/FRJ, GMA News