Sen Angara, ‘di bibitiw sa Corona trial
Hindi mag-iinhibit si Sen. Edgardo Angara sa paglilitis na ginagawa ng Senate Impeachment Court kay Chief Justice Renato Corona, bilang tugon sa kahilingan ng panig ng depensa. Sa pagpapatuloy na impeachment trial nitong Martes, naghain ng manipestasyon si Angara na malisyoso ang hinala ng kampo ni Corona na mayroong siyang conflict of interest bilang isang hukom na hahatol sa punong mahistrado. “Hindi ko naman hiningi ang pagiging hukom sa impeachment court, iniatas ito sa akin ng Saligang Batas, kaya paano magkakaroon ng conflict of interest sa aking pagiging hukom" ayon kay Angara. Una rito, pinuna ng panig ng depensa ang pagiging spokesperson ng House Prosecution panel ni Aurora Rep Juan Edgardo “Sonny" Angara, anak ni Sen Angara. Kabilang ang nakababatang Angara sa mga napipisil ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na isama sa senatorial line-up ng Liberal Party sa 2013 elections. Magtatapos sa 2013 ang termino ng nakatatandang Angara bilang senador. Bukod sa posisyon ni Rep Angara bilang tagapagsalita ng prosecution panel, pinuna rin ng panig ng depensa ang mga malalaking proyekto sa Aurora na naaprubahan ng pamahalaan. Ngunit paliwanag ni Sen Angara, ang P1.66-billion Baler-Casiguran Road Improvement Project sa Aurora ay nagsimula pa noong nakaraang administrasyon at ngayon lamang naaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA). Bukod dito, hindi umano ang gobyerno ang gagastos sa proyekto kundi ang South Korean government. Malisyoso umano ang nais palabasin na “nabili" na ng pamahalaan ang kanyang boto kontra kay Corona. “I reject this unthinking and illogical conclusion that serves no purpose at all than to malign me," anang nakatatandang Angara. Hindi ito ang unang pagkakataon na hiniling ng panig ng depensa na mag-inhibit sa paglilitis ang ilang senador na kaalyado ng administrasyon dahil sa paniwalang hindi na magiging patas ang kanilang hatol. Nitong Martes, pinagsabihan ni Senate President Juan Ponce Enrile, presiding judge sa paglilitis, ang panig ng depensa na itigil na ang paghahain ng mosyon na mananawagan sa mga senador na mag-inhibit sa paglilitis. Ipinaliwanag naman ni lead defense counsel Atty. Serafin Cuevas, na ang kanilang motion for inhibition kay Angara ay pagpapahayag ng kanilang saloobin. “The motion was filed because of feeling of chief justice that the senator will not be able to give cold neutrality as a judge. We never stated that all things in that motion are inevitably true," paliwanag niya. -- FRJ, GMA News