ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
MTRCB, pinanindigan ang suspensyon sa palabas ng magkakapatid na Tulfo
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inihayag ng Movie and Television Review and Classification Board nitong Lunes na kanilang ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng 20-araw na suspensyon sa TV program ng mga kapatid ng Inquirer columnist na si Ramon Tulfo.
Sa isang press statement sa kanilang website, inihayag ng MTRCB na kanilang ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng kanilang utos at magbibigay ng kanilang response ukol sa inihain na petition ng TV5 sa Court of Appeals sa susunod na mga araw.
"On the reported filing of TV5 of a petition with the Court of Appeals questioning the 20-day preventive suspension order against the program 'T3,' the MTRCB stands by the legality of the said order and its jurisdiction over 'T3' as a 'public affairs' program under PD 1986 and the agency’s Implementing Rules and Regulations," ayon nito.
Noong nakaraang linggo, ipinatupad ng MTRCB ang 20-araw preventive suspension sa programa ng magkakapatid na Tulfo (Ben, Raffy at Erwin) dahil sa kanilang Mayo 7 palabas kung saan binantaan umano ng magkakapatid ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto.
Hiniling naman ng TV5 sa CA na ibasura ang suspension order sapagkat wala umano itong juridiction sa T3 sapagkat news program ang palabas at hindi public affairs na palabas.
Iginiit ng network na "grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction" umano ang paglalabas ng MTRCB ng suspension order noong Mayo 10 laban sa TV5 para sa umano'y "unconstitutional" na paglabag nito sa press freedom.
Awayan sa NAIA
Nagsimula ang alitan ni Ramon Tulfo at ng showbiz couple nang kinunan umano ng litrato ng kolumnista si Barretto habang pinagagalitan ang ground crew ng Cebu Pacific dahil hindi naisama ang kanilang bagahe mula sa Boracay.
Ayon kay Santiago, sinuntok umano siya ni Tulfo nang nilapitan niya ito. Ngunit ayon naman kay Tulfo, pinagtulungan siya ni Santiago at ng mga kasamahan nito.
Kanya-kanya nang naghain ng demanda ang magkabilang kampo.
Noong Linggo, inihayag ng Malacañang na hahayaan na lamang nito sa Court of Appeals na magbigay ng hatol sa nagaganap na alitan.
“That’s something we will let the CA deal with. From what I understand, TV5 has gone to the CA to ask the MTRCB to stop implementation of the 20-day suspension. Hindi kami magsasalita, nasa korte na yan,” ani Valte sa government-run dzRB radio. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular