ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 katao ang patay: Lalaking hiniwalayan daw ng misis, namaril sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlo katao ang patay, kabilang ang isang menor de edad, matapos mamaril ang isang lalaki na sinasabing hiwalayan umano ng kanyang misis sa Alaminos City, Pangasinan nitong Lunes ng gabi. Kinilala ang mga nasawi na sina Sonny Boy Asia at Wilcyn Palecpec, kapwa mag-aaral sa kolehiyo, at isang 14-anyos na lalaki na hindi natukoy ang pangalan. Nasugatan naman sa kamay si Gilbert Ramiscal, bayaw ng nakatakas na suspek na kinilalang si Aaron Kabugatan Mansongayan. Ayon kay Ramiscal, nagtamo siya ng sugat sa kamay nang makipag-agawan siya ng baril sa nagwawala niyang bayaw na si Mansongayan sa kanilang lugar sa barangay Bisocol, Alaminos City. Gayunman, sinabi umano ng suspek kay Ramiscal na hindi niya ito kayang patayin at pinabayaan siyang makaalis. Akala umano ni Ramiscal ay mapapanatag na ang kanyang bayaw nang umalis pero laking gulat niya nang malaman niya na namaril ito ng mga tao sa kalapit nilang kantina. Sa kantina, pinagbabaril umano ni Mansongayan ang mga naka-istambal na biktimang sina Asia at Palecpec, at ang menor de edad na nagtitinda sa lugar. “Bale yung dalawa nagtatambay sa harap ng kantina tapos yung pangatlo bale parang siya yung vendor sa kantina. Nung nakarinig siya ng putok lumabas siya tinignan niya kung ano yung nangyari. Pati siya pinagbalingan na rin ng suspek," ayon kay PO1 William Berbon Bustria, ng Alaminos police station. Nakuha ng mga imbestigador sa crime scene ang anim na basyo ng bala at tatlong slug ng kalibre .45 na baril na hinihinalang ginamit ng suspek. Pinapaniwalaang nagwala si Mansongayan dahil sa problema nito bunga ng paghihiwalay nilang mag-asawa. “Yung tatlong biktima napagbalingan na lang siguro yun kasi yung suspek po natin parang nagkahiwalay sila ng asawa niya," dagdag ni Bustria. Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang suspek na tumakas matapos ang krimen. Nakasakay umano ito sa pulang motorsiklo at naka-suot ng jacket na may kulay itim at berde. -- JArcellana/Daryl/FRJ, GMA News