ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Corona, ‘di raw natinag sa pasabog ni Morales tungkol sa dollar accounts


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa pagsalang ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Senate impeachment trial, inihayag umano ni Chief Justice Renato Corona sa kanyang defense team na ipagpatuloy lamang ang kanyang taktika. Sa panayam ng media nitong Martes bago ang pagdinig sa Senado, sinabi ni Atty. Jose "Judd" Roy III, miyembro at tagapagsalita ng depensa, na nakipagpulong si Corona sa kanyang legal team upang pag-aralan ang naging testimonya ni Morales, partikular sa alegasyon ng multiple dollar accounts ng punong mahistrado. "His instructions are to carry on," ayon kay Roy, na tumangging magbigay ng iba pang detalye tungkol sa kanilang pulong kay Corona nitong Martes ng umaga. Inilarawan ni Roy na "in very high spirits" si Corona ng kanilang makaharap. Una rito, lumabas sa ulat ng New York Times nitong Lunes, na inilarawan ng political analyst na si Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform, na "smoking gun" o matindi ang mga isiniwalat ni Morales sa pagdinig. “For all practical purposes, the trial is over. Even if the chief justice testifies, it is unlikely he will be able to explain this," ayon kay Casiple. 'Kuryente' Kaugnay nito, inanunsyo naman ni Atty. Harry Roque, propesor sa University of the Philippines, sa kanyang Facebook account na magkakaroon ng pulong ang defense panel ng 11:00 a.m. "CJ Corona to have press conference at 11AM. If there's any decency left in him, it is to announce his resignation. Maybe, the Filipino people can forgive him then," ani Roque. Pero nang tanungin ng GMA News Online ang kampo ng depensa tungkol sa umanong nakatakdang pulong balitaan, itinanggi nila ang naturang anunsyo na inilabas ni Roque. Paglilinaw ni Roque sa GMA News Online, nakuha lamang niya ang impormasyon sa text message. "Baka na-cancel," paliwanag ni Roque. Nilinaw naman ni Atty. Tranquil Salvador III, miyembro at tagapagsalita rin ng defense team, na pagpupulong at hindi press conference ang naganap sa kanilang grupo. "Nakapag meeting kanina... kaya siguro akala mayroong Sofitel, pero wala sa Sofitel," ayon kay Salvador. Sa nasabing pulong, sinabi ni Roy na binigyan nila ng katiyakan si Corona na hindi dapat mabahala sa mga impormasyong ibinigay ni Morales. "We told him that we should not be overwhelmed by the impact on the public because in fact he [Corona] is correct in his statement that what the Ombudsman presented was not credible. It is in fact incredible," dagdag niya. 'Parol ng kasinungalingan' “There are just other lanterns of lies." Ito naman ang sagot ni Morales sa patutsada ni Corona na "lantern of lies" lamang ang diagram na nagpapakita sa umano'y “circuitous" bank transactions ng punong mahistrado. Una rito, ipinakita ni Morales sa Senate impeachment court ang diagram tungkol sa paggalaw ng umano’y mga dollar accounts ni Corona batay sa nakuha niyang impormasyon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). Mismong si Vicente Aquino, pinuno ng AMLC, ang nagdala umano ng datos sa opisina ng Ombudsman, alinsunod sa utos ng fact-finding body na kanyang binuo upang imbestigahan ang assets ni Corona. “I am mandated by the Constitution to investigate public officials if they are inefficient," paliwanag ni Morales. Inilarawan ni Corona ang testimonya ng Ombudsman bilang "hodgepodge" ng bank accounts at pinalobo ang mga halaga. Sinabi naman ni Morales na iimbestigahan din nila ang peso accounts ni Corona. “There was actually a study of peso accounts but since the subpoena is limited to dollar accounts, we just brought dollar documents," aniya. Aminado si Morales na ang mga makakalap na impormasyon ng Ombudsman laban kay Corona ay maaaring magamit sa susunod na pagsasampa ng impeachment sakaling maabsuwelto ito sa kinakaharap na kaso ngayon sa Senado. – Amanda Fernandez/ FRJ, GMA News