We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Isinagawa noong Huwebes ang taunang school inspeksyon ng Department of Education upang masuri ang kahandaan ng mga paaralan sa darating na pasukan. Pinamunan ni DepEd Assistant Secretary for Planning Jesus Lorenzo Mateo ang pre-school opening inspection sa Ramon Magsaysay (Cubao) High School (RMHS) sa Quezon City. Sa isang press release, inihayag ni Mateo na pinili nila ang RMHS dahil kinakatawan umano nito ang public school system ng bansa. Inihayag din ni RMHS School Principal Dr. Romulo Rocena na: "We appreciate the DepEd management for taking concrete steps towards a better learning environment [as seen in] adequate teaching materials and competency, as well as more a comprehensive curricula." Kalinisan Sa isang press conference noong Huwebes, itinampok ni Mateo ang pagpapahalaga ng DepEd sa hygiene [kalinisan] ng mga mag-aaral. Ayon sa kanya, naniniwala ang DepEd na ang pagpapabaya sa kalinisan ay isa sa mga dahilan ng pagkakasakit ng mga mag-aaral, kung kaya ito ay pagtutuunan ng pansin ng ahensya sa School Year 2012-2013.
(From left to right) RMHS School Principal Dr. Romulo Rocena, DepEd Assistant Secretary for Planning Jesus Lorenzo Mateo, at Quezon City District Superintendent Rowena Cacanindin. Photo by Amanda Fernandez
"Dati, ang paghahanda natin ay nakatuon lamang sa mga repair at cleaning of classrooms. But now we also focus on hygiene. Ito 'yung theme natin ngayon kasi isa ito sa mga problema ng mga estudyante," aniya. "Isa sa mga dahilan kung bakit nagda-drop out 'yung mga estudyante ay health reasons," dagdag pa niya. Bilang pagsunod sa tema ng DepEd, nagtayo ang RMHS ng ilang mga panibagong banyo at lababo para mapanatili ng mga mag-aaral ang kanilang personal hygiene. Kakulangan sa guro Sa nasabing press conference, ibinahagi rin ni Mateo na mababawasan na ang problema sa kakulangan sa guro sa darating na school rea. "Ang shortage natin ngayon ay something like 47,000 teachers. Dati. 100,000 ito," aniya. Mahigit 60,000 na guro ang idadagdag para sa darating na akademikong taon, alinsunod sa 2012 budget. "Napababa natin ito dahil sa suporta ng local government units," dagdag pa niya. Noong nakaraang taom, hiniling ng DepEd mula sa mga lokal na pamahalaan na dagdagan ang mga guro sa kanilang nasasakupan. Programang K+12 Naniniwala naman si Mateo na magiging matagumpay ang pagpapatupad ng programang K +12, o Kindergarten plus 12 years basic education program. "Mayroon tayong two years head start. Diba nai-launch natin ang K+12, tapos nagkaroon ng batas. Pero bago pa man nun, bago 'yung implementation natin for this year, kinausap na natin 'yung iba't ibang mga sektor para makatulong dito," ani Mateo. Sa ngayon, wala pa masyadong pagbabago sapagkat sisimulan pa lamang nila ang pagpatutupad ng bagong curriculum sa mga mag-aaral ng grade 1 at first year high school. Aminado naman si Quezon City District Superintendent Rowena Cacanindin na maaaring magkaroon ng kakulangan ng classrooms matapos ang apat na taon, sa oras na aabot ng senior high school ang unang batch sa ilalim ng K+12. Sa kabila nito, naniniwala siyang matutugunan ang problema sa loob ng apat na taong paghahanda. — LBG, GMA News