Magsasaka, inakusahan ng panghahalay sa 4 na menor de edad na babae
Isang 46-anyos na magsasaka sa Laoac, Pangasinan ang dinakip ng mga pulis matapos akusahan ng panghahalay sa apat na babaeng menor de edad na ang pinakabata ay limang taong gulang lamang. Labis ang hinanakit na nadarama ng mga magulang ng mga biktima na nasa edad lima hanggang 12, dahil kilala nila at inakalang mabait ang suspek na si Jesus Ramos. Si Ramos ay nadakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG-PNP) nitong Huwebes ng tanghali. Ayon sa ina ng isa sa mga magulang ng biktima, isinumbong sa kanya ng anak ang umano’y pang-aabuso ng suspek na naganap noong Marso 19. Naganap umano ang unang pangmomolestiya noong Nobyembre 2011. “Sabi niya, ‘ma, may sasabihin ako.’ Ano yun? sabi ko. Sabi niya si ninong, nung nagpunta kami sa sementeryo ginalaw niya yung ari ko…" kwento ng ina ng isa sa mga biktima. Hindi raw akalain ng mga magulang ng biktima na magagawa ito ng suspek sa kanilang mga anak dahil bukod sa ninong nila sa kasal ay nagpapakita ng kabaitan sa kanilang barangay. “Bakit hindi sa akin nagsumbong sabi ko, natakot raw sila. Ang sabi sa akin, tatlong beses ginalaw daw yung ari nila. Papatayin daw yung tatay nila kapag nagsumbong," ayon naman sa isa pang magulang. Lumitaw sa isinagawang pagsusuri ng medico legal sa mga biktima na positibong naabuso ang mga bata. Mariin namang pinabulaanan ng suspek ang alegasyon laban sa kanya. Iginiit niyang parang mga anak na niya ang mga bata. Kasalukuyang nakapiit si Ramos sa CIDG detention sa Urdaneta, Pangasinan. -- KAquino/RTanedo/FRJ, GMA News