Pagsalang kay Corona bilang testigo, indikasyon daw na malakas ang kaso ng prosekusyon
Inihayag ng kampo ng House prosecution na ang desisyon ng kampo ng depensa ni Chief Justice Renato Corona na isalang na ito sa witness stand sa Martes ay malinaw na indikasyon na malakas ang kanilang kaso laban sa pinapatalsik na punong mahistrado ng Korte Suprema. Sa panayam ng media nitong Biyernes, sinabi ni Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny" Angara, isa sa mga tagapagsalita ng prosekusyon, na nakikita nilang napilitan na ang depensa na paharapin bilang testigo si Corona dahil sa matinding impormasyon na lumabas tungkol sa umano’y mga dollar accounts ng punong mahistrado. “Nung una naman walang sinabi ang depensa na ipiprisenta nila si Chief Justice as witness nung mag-resume ang impeachment court. Mukhang napilitan na silang iprisenta si Chief Justice dahil una, hindi nakontento ang mga senator-judge sa mga isinalang nilang witness. Tapos matindi yung testimonya ni Ombudsman (Conchita Carpio-Morales) tungkol sa dollar accounts," paliwanag ng kongresista. Ang tinutukoy ni Angara ay ang umano’y 82 dollar accounts na iprinisenta ni Morales sa Senado batay umano sa impormasyong nakalap ng Ombudsman sa Anti-Money Laundering Council (AMLC). “Parang sa larong chess, hindi na kayang protektahan ng ibang piyesa ang king. Nakokorner na ang hari nila kaya kailangan na rin nilang pakilusin," paglalarawan ng kongresista sa ginawang hakbang ng kampo ng depensa. Tatlo lang dapat, ‘di 82 accounts Inihayag naman ng panig ng depensa na tatlo o hanggang apat lamang at hindi 82 ang dollar accounts ang dapat iugnay ni Morales kay Corona. "The Ombudsman testified and said 82 dollar accounts exist," pahayag ng tagapagsalita ng depensa na si Atty Tranquil Salvador III sa press conference. “ Pero iyong 82 na iyon, kung susuriin… ay tatlo o apat lang. Paggiit pa ni Salvador, “Nasuri na ‘yan ng mga accountant... Ang matitiyak namin, ‘yung 82 ‘di talaga 82." Ngunit tumanggi si Salvador na kumpirmahin o itanggi kung totoong may dollar accounts si Corona. "We don't say that they exist. We don't deny or admit anything," ayon sa abogado. Nitong Biyernes, kinumpirma ng AMLC na totoong galing sa kanila ang impormasyong nakuha ng Ombudsman tungkol sa mga dollar account umano ni Corona. Kabilang sa akusasyon ng prosekusyon laban kay Corona ay hindi nito magsusumite ng tunay na halaga ng mga kayamanan sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth. Sinabi ni Salvador na ipinauubaya na nila kay Corona na ipaliwanag ang tungkol sa dollar accounts kapag humarap na ito sa impeachment court sa Martes, Mayo 22. Inihalintulad naman ni Atty Karen Jimeno, tagapagsalita ng kampo ng depensa, sa usapin ng mga ari-arian na iniugnay noon ng prosekusyon kay Corona ang sobrang dami ng dollar accounts. "Like sa 45 properties before, kapag trinace, iyong iba cancelled na o nalipat lang kaya it boiled down to five," ayon kay Jimeno. -- RP/FRJ, GMA News