Palasyo, minaliit ang posibilidad na maaaring gamitin ang AMLA vs PNoy
Minaliit ng Malacañang nitong Sabado ang posibilidad na inungkat ni Sen. Joker Arroyo na nagsabing maaaring gamitin ang Anti-Money Laundering Act (AMLA) laban kay Pangulong Benigno Aquino III matapos ang kanyang termino bilang Pangulo. “When you are in power, it is OK. But for the enemies of those who are... in power, this is a very dangerous bill,” inihayag ni Sen. Arroyo. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hindi natatakot si Aquino na maimbestiga sapagkat siya ay “very upfront with what he has.” “The president has always been willing to answer (anything that has) been thrown at him, walang dapat ikatakot ang Pangulong Aquino," ani Valte sa dzRB radio. Dagdag ni Valte na nauna nang inihayag ni Aquino na kanyang pagmamay-ari ang bahay ng kanyang pamilya sa Times Street sa Quezon City bago pa niya ilabas ang ibang detalye ng kanyang net worth. Ginamit ng Ombudsman Conchita Morales ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) bilang source sa impormasyong kanyang inihayag nitong linggo sa Senate impeachment court tungkol sa umano'y 82 dollar accounts ni Corona. Maaaring lusutan ng ALMC ang bank secrecy law sa pamamagitang ng monitoring sa mga bangko na nagpapadala sa AMLC ng mga ulat tungkol sa mga transaksyon na ang halagang sangkot ay P500,000 o lampas pa. — Amanda Fernandez/ELR, GMA News