ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Unang gabi ng concert ni Lady Gaga, naging mapayapa
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa kabila ng pagiging mapayapa ng unang gabi ng concert ni Stefani Joanne Angelina Germanotta, na mas kilala bilang Lady Gaga, ipagpapatuloy pa rin ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa ikalawang gabi ng kanyang concert ngayong Martes -- kung matutuloy ito.
Sa ulat ng radio dzBB nitong Martes, inihayag ni Pasay City police chief Senior Superintendent Melchor Reyes na walang masamang insidenteng naganap na nagpagulo sa concert sa SM Mall of Asia.
Ayon kay Reyes, sa kabila nito, kanila pa ring ipagpapatuloy ang mahigpit na seguridad sa ikalawang araw ng concert upang mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Ayon sa kanya, ipagpapatuloy nila ang pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority upang masigurong maayos ang traffic sa mga daanang malapit sa venue.
Noong Lunes ng gabi, ipinagpatuloy ng ilang mga grupo ang kanilang pagprotesta laban sa concert. Sa kabila nito, hindi na lumapit ang mga ito sa venue at payapa ring naghiwa-hiwalay.
Sa hiwalay namang ulat ng dzBB, nakabase sa ipapasang ulat ng monitoring team ng Pasay City government kung matutuloy pa ang ikalawang gabi ng concert.
Sa pamumuno ng abugadong si Glenn Agranzamendez, ipapadala ng grupo ang ulat kay Mayor Antonio Calixto ngayong Martes.
Nauna nang pinaalala ni Calixto sa organizers ng concert na ipinagbabawal ang obscenity at ang paglabag sa sensibilities ng mga manonood.
Sa nagdaang weekend, nanawagan ang mga konserbatibong religious group na pigilan ang pagdaos ng concert sapagkat "anti-Christian" umano ang lyrics ng ilang mga kanta ni Lady Gaga.
Sa kabila ng pagprotesta, kinanta pa rin ni Lady Gaga nitong Lunes ng gabi ang kontrobersyal niyang kantang "Judas." Ayon sa kanyang mga kritiko, ang kantang ito ay pumupuri sa disciple na tumaksil kay Kristo. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
Tags: ladygaga
More Videos
Most Popular