Nakamit ni Jessica Sanchez sa American Idol, kinilala sa Senado
Isang resolusyon ang inihain sa Senado nitong Huwebes para bigyan pagkilala ang nakamit ng dugong Pinoy na si Jessica Sanchez sa sikat na singing contest sa US na American idol Season 11. Sa Senate Resolution No. 776 na inihain ni Sen. Manny Villar, sinabi nito na nararapat na papurihan at bigyan ng pagkilala ang naabot ng Filipino-Mexican-American na si Jessica Sanchez. Pumangalawa si Jessica sa tinanghal na American Idol winner na si Philip Philips. Ayon kay Villar, hindi madali ang pinagdaanan ng 16-anyos na si Jessica – na ang ina ay tubong Bataan – para maabot ang second place sa American Idol. Ito na ang pinakamalayong naabot ng isang dugong Pinoy na sumali sa sikat na singing contest. Sa ikatlong season ng American Idol, pumangatlo ang dugong Pinoy na si Jasmine Trias mula sa Hawaii. “Jessica Sanchez should be congratulated and commended through this resolution for her personal feat that celebrates Filipino ancestry and echoes national pride," pahayag sa resolusyon ni Villar na ang ina ay tubong Bataan din. “She was almost eliminated in the Top 7’s first week had it not been for the ‘judges' save’ which was introduced in the eighth season, making her the first female and fourth finalist in the show’s history to be spared from elimination," dagdag ng senador. Hiniling ni Villar sa Senado na kaagad pagtibayin ang resolusyon bilang simpleng pagpapahalaga sa nagawa ni Sanchez na nagbigay ng karangalan sa lahing Pilipino. Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Sen Franklin Drilon sa naging resulta ng botohan sa pagpili ng American Idol winner. At kahit pumangalawa lamang si Jessica, naniniwala ang senador na malayo ang mararating nito. “Sayang. Sana po nanalo, mahal siya ng buong bansa. Ganunpaman, sa palagay ko the future will be good to her given her talent and how I wished she won," pahayag ni Drilon sa lingguhang media forum sa Senado. Sinabi naman ni Sen. Gregorio Honasan na kahit naging malungkot ang sambayanang Filipino sa pagkatalo ni Jessica, dapat maging masaya ang mga Pinoy dahil hindi naman makakabawas sa kagalingan ni Jessica ang naging pagkatalo nito. -- ER/FRJ, GMA News