ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagbili ng pamahalaan ng WW II vintage warship mula sa US, kinuwestiyon ng oposisyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinuwestiyon ng isang kongresistang kaanib ng oposisyon ang pagkuha ng pamahalaang Aquino ng lumang barkong pandigma mula sa United States na ginamit noong World War II at inalisan na umano ng mga importanteng parte gaya ng kanyon. Ipinagtataka ni Isabela Rep. Rodolfo Albano, kasapi ng House Committee on National Defense and Security, kung bakit kukunin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang warship na USCC Dallas na wala na umanong kanyon, fire control system, air search radars, close-in weapon system at iba pa. “I understand the financial constraint is the reason why we are acquiring a second hand or used warship. But acquiring a warship without a weapon system is just acquiring a piece of junk that needs to be restored and refurbished before we can use it as a battle ship," ayon sa kongresista. Sa paggunita sa Fall of Corregidor noong nakaraang buwan, inihayag ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang pagkuha ng Pilipinas sa 378 feet USCC Dallas na papangalanang BRP Ramon Alcaraz – na parangal sa World War II hero na si Commodore Ramon Alcaraz. Batay sa natanggap na impormasyon ni Albano, ilang opisyal ng AFP ang nagtungo umano sa US nitong Mayo para hilingin sa mga opisyal doon na huwag alisin ang mga mahahalagang bahagi ng barkong pangdigma na nakahimpil sa North Charleston, South California. “Where are we going to get the vital parts of new warship which were removed by the seller? Can we get replacement made from Japan, Taiwan, China or other country?" tanong ni Albano. Dagdag pa niya, kung totoo na wala na ang mahalagang bahagi ng barko, sinabi ni Albano na mistulang bumili ng baril na walang bala ang pamahalaan. Pero dahil limitado ang pondo, inihayag ni Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, vice chairman ng national defense and security committee, ang pagsuporta sa desisyon ng AFP na kunin ang lumang barkong pandigma ng US. Hindi naman naniniwala si Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat, kasapi ng House Committee on Appropriations, na aalisin ang mahalagang bahagi ng barkong pandigma gaya ng kanyon. “Maybe the AFP thought we could outfit the ship using newer, more powerful and even cheaper equipment from other sources, local of foreign," pahayag niya. -- RP/FRJ, GMA News