ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

LP, makikipag-koalisyon sa ibang partido para sa malakas na Senate lineup sa 2013 polls


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Makikipag-alyansa ang partido ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na Liberal Party (LP) sa ibang lapian para makabuo ng malakas na senatorial lineup na isasabak sa May 2013 elections. Sa ulat ni GMA News reporter Kara David sa SONA ng GMA News TV nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni Budget and Management (DBM) Secretary Florencio “Butch" Abad Jr., na nakapagdesisyon na ang LP na makipag-alyasa sa ibang partido para sa darating na halalan. Makikipagsanib ng puwersa ang LP sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) na itinatag ni dating embahador Eduardo “Danding" Cojuangco; Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) na pinamumunuan ni Sen Edgardo Angara; at sa grupong Akbayan. Nakikipag-usap din umano ang LP sa Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Sen. Manny Villar. Kapag nabuo ang koalisyon, posibleng makasama umano sa Senate lineup ng administration coalition sina reelectionst Sens Loren Legarda (NPC) at Alan Peter Cayetano (NP); Aurora Rep Juan Edgardo Angara (LDP); Quezon Rep Erin Tañada (LP); dating Las Piñas Rep Cynthia Villar (NP); dating Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers (NP); dating party-list Rep. Risa Hontiveros (Akbayan); TESDA Director-General Joel Villanueva (LP) at Customs chief Ruffy Biazon (LP).

(Mula sa kaliwa, itaas) Biazon, Villar, Villanueva, Hontiveros, Barbers, Legarda. GMANews.TV
Posible rin umanong makasama sa listahan ng mga kandidato ng administasyon si reelectionist Sen Antonio Trillanes IV. Sakaling humigit sa 12 ang pagpipilian ng koalisyon, sinabi ni Abad na dadaan sa proseso ang mga magiging kandidato para maibaba ang kanilang bilang. ‘Di pwedeng sumama sa rally ng ibang partido Sa hiwalay na panayam ng GMA News Online nitong Sabado, sinabi ni Abad na hindi maaaring sumama sa “rally" o political sortie ng ibang partido ang mga magiging pambato ng koalisyon ng administrasyon. “Ang bilin ng pangulo (Benigno Aquino III), sa entablado lang ng administration coalition dapat tumayo at kumampanya ang mga magiging kandidato sa Senado," ayon kay Abad, secretary general ng LP. Ang paglilinaw ay ginawa ni Abad kaugnay ng posibilidad na may kandidato ng administration coalition ang isama rin sa Senate lineup ng United Nationalist Alliance (UNA) na binuo nina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong Joseph Estrada. Batay sa mga naunang ulat, nais ng UNA na makasama sa kanilang senatorial lineup sina Legarda, Cayetano, at Villar. “Puwedeng maging guest candidate ng ibang grupo ang kandidato ng admin coalition pero hindi sila dapat sumama sa pag-iikot ng ibang grupo. Sa entablado lang ng admin coalition sila dapat makikita," dagdag ni Abad. Pimentel, matibay ang desisyon vs Zubiri Samantala, matibay ang posisyon ni reelectionist Sen Aquilino “Koko" Pimentel II na hindi niya gustong makasama sa kampanya ng UNA si dating Sen Juan Miguel Zubiri, na pinalitan niya sa Senado. Sa sulat na ipinadala niya sa kanyang ninong na si Estrada, inihayag ni Pimentel ang kanyang paniniwala na may kinalaman at hindi lang basta nakinabang si Zubiri sa naganap na dayaan sa Mindanao noong 2007 elections. Sa naturang ulat ni David sa SONA, sinabi ni Estrada na kakausapin niya si Pimentel para makumbinsing hayaan na makasama sa Senate ticket ng UNA si Zubiri. Para kay Estrada, ang hindi pagkakasama ni Zubiri sa demanda tungkol sa umano'y dayaan noong 2007 elections ay indikasyon na inosente ang dating senador. Dagdag pa ng dating pangulo, dapat matuto si Pimentel na magpatawad. Pero paliwanag ni Pimentel, matagal na niyang napatawad si Zubiri. “Matagal ko na siyang napatawad pero ang tanong, ang pagpapatawad ba kasama pa doon ang pagregalo? Kasi kapag tumakbo ako (na) kasama si Zubiri parang may regalo pa 'ko sa kanya," ayon sa senador. Hihintayin daw niya ang magiging desisyon ng pamunuan ng UNA sa kanyang pakiusap laban kay Zubiri bago siya gagawa ng desisyon kaugnay ng 2013 elections. May mga ulat na posibleng kumalas ng UNA si Pimentel at sasama sa partido ng administrasyon kapag pinanatili si Zubiri sa Senate lineup. Muli namang itinanggi ni Zubiri na may kinalaman siya sa naganap na dayaan sa Mindanao at handa umano siyang makipagtulungan kay Pimentel. “Hindi naman po ako nakikipag-away kahit kanino. Definitely, walang problema po sa akin na magsama po kami sa lineup. Actually, mas nagugustuhan ko po yun," ayon sa nagbitiw na senador. – FRJimenez, GMA News