ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Aquino, nangakong poprotektahan ang Konstitusyon laban sa mga 'gahamang politiko'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa pagdiriwang ng ika-114 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Martes, nangako si Pangulong Benigno Simeon Aquino III na kanyang poprotektahan ang Konstitusyon at ilalayo mula sa mga indibidwal na nais lamang gamitin ito upang makakuha ng kapangyarihan.
 
“Tangan ang mandato ng Saligang Batas, hindi na natin hahayaang bukbukin, dungisan, at gamitin ito ng kahit na sinuman para lamang manlamang sa kapwa at magpakasasa sa kapangyarihan,” ani Aquino sa kanyang talumpati sa Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan.
 
Ayon sa kanya, dismayado siya sa ilang mga indibidwal, kabilang na ang ilang public official, na ginagamit ang Konstitusyon para sa sariling interes.
 
“May mga opisyal na harap-harapang lumalabag sa batas at harap-harapan ring tinatakasan ang pananagutan,” ani Aquino.
 
“Ang Konstitusyon na dapat ay natatakbuhan ng karaniwang tao ay nagiging laruan na lamang ng mga naghahari-harian. Kung umasta sila animo’y hawak nila ang piring ng katarungan, parang lisensiyado silang palitan, bawasan, ibahin at baligtarin ang Konstitusyon,” dagdag niya.
 
Paglaban sa katiwalian
 
Patuloy pa ring hinihimok ng Pangulo ang mga Pilipino na tumulong sa kanyang laban upang masugpo ang korupsyon sa bansa.
 
“Naging talamak ang korupsyon dahil dumami ang naging manhid at walang kibo,” aniya.
 
“Makakamtan lamang nag tunay na kalayaan kung handa ang bawat isa na magkakalyo ang talampakan at diligan ng dugo’t pawis ang ating lupang sinilangan. Buwagin natin ang bartolina ng kadamutan at pagkakanya-kanya, pumalag tayo mula sa tanikala ng pagbabatuhang sisi at pagwawalang bahala, ito ang kahulugan ng tunay na kalayaan,” dagdag niya.
 
Ayon sa kanya, ang pagkamtan ng demokrasya ay hindi lamang sa pagiging malaya mula sa mga dayuhang mananakop, ngunit kailangan din nating maging malaya mula sa korupsyon, hunger at injustice.
 
Nangako naman ang Pangulo na kanyang ipagdiriwang ang Araw ng Kalayaan sa iba pang bahagi ng bansa sa mga susunod na taon upang ipakitang hindi lamang ramdam sa Maynila ang demokrasya ngunit pati na rin sa ibang bahagi ng bansa.
 
Impeachment ng Punong Mahistrado
 
Sa nakaraang limang buwan, nasaksihan ng mga Pilipino ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
 
“Pinatingkad nito ang diwa ng ating demokrasya. Karapatan ng bawat Filipino na malaman ang katotohanan at maramdamang buhay ang demokratikong sistema sa bansa,” aniya.
 
Ayon sa kanya, sa naganap na paglilitis, napaalahanan ang mga public official na ang kapangyarihan ay nagmula sa mga mamamayan at may dalang responsabilidad.
 
Pinamunuan din ni Aquino ang pagdiriwang ng ika-113 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong nakaraang taon sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, kung saan unang idineklara ang kalayaan ng bansa 113 taong nakaraang.
 
Sa pagdiriwang sa susunod na taon, iminungkahi na isagawa ito sa makasaysayang Pinaglabanan Church sa San Juan, Manila at sa Tanauan, Batangas naman para sa taong 2014. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News