ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P2-T budget ng pamahalaan sa 2013, dapat daw gamitin sa pagpapahusay ng edukasyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanawagan sa publiko ang dating lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na bantayan ang P2 trilyong pondo na hihingin ng Malacañang sa Kongreso para gastusin sa 2013. Ayon kay Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating presidente ng CBCP, nararapat na bantayan ng mga mamamayan ang pondo sa susunod na taon para matiyak na hindi ito mapupunta sa korupsiyon. Iginiit ng arsobispo na maraming problema ang bansa na dapat paggamitan ng pondo. Kabilang umano dito ang edukasyon na malaki pa rin ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro, libro at iba pa. “Sana with that huge amount of national budget ay pagkalooban nila ng malaking pondo ang edukasyon para tugunan ang kakulangan natin sa mga classroom, mga guro, libro at iba pang mga kailangan natin para makamit natin ang quality education," pahayag ni Lagdameo sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules. Nitong Martes, inihayag ni Budget and Management Sec. Florencio Abad, na aabot sa P2 trilyon ang hihinging pondo ng pamahalaan sa Kongreso na gagamitin sa mga proyekto at programa ng bansa sa 2013. Ang naturang halaga ay mas mataas sa kasalukuyang budget na P1.816 trilyon. Noong 2011, umabot sa P1.645 trilyon ang pondo ng pamahalaan. Sinabi ni Abad na kailangan ang malaking pondo para matustusan ang pagpapagawa ng 65,000 silid-aralan at mga kalsada. Inaasahang isusumite ng Palasyo sa Kongreso ang hihinging pondo pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III sa Hulyo. “We are still reviewing the proposals from the different agencies, but we hope to finish that this week, and we will cap the week with a discussion of the DBCC (Development Budget Coordinating Council) where we hope to finalize the macroeconomic assumptions which will provide us or guide us in determining the ceiling for the budget," ayon kay Abad. Bukod sa usapin ng edukasyon at kahirapan, iminungkahi ni Lagdameo na dapat pagtuunan din ng pansin ng pamahalaan sa susunod na taon ang mga proyektong pang-empraestruktura na lulutas sa matinding problema sa pagbaha. Binigyan-diin naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani ang kahalagahan na paglaanan ng pamahalaan ng malaking pondo ng gobyerno ang edukasyon dahil ito ang paraan upang makaahon sa hirap ang tao at mapaunlad ang bansa. -- MP/FRJ, GMA News