ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Angat dam, planong gawing tourist attraction; pinakamahabang zip line, ilalagay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng National Power Corporation (Napocor) na bubuksan na sa publiko sa susunod na taon ang Angat Dam. Kasama sa plano ang paglalagay ng mahabang zip line sa lugar na inaasahang magpapalakas ng turismo sa Bulacan. Ayon kay Engineer Rodolfo German, opisyal ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) ng Napocor, nais nilang maging pinakamahaba sa bansa o sa buong Asya ang ilalagay na zip line sa lugar. Ang zip line sa Manolo Fortich, Bukidnon na binuksan sa publiko noong 2009 ang itinuturing pinakamahang zip line ngayon sa bansa na may habang 840 metro. Bukod sa zip line, maglalagay din umano ng iba pang atraksyon sa lugar ng Angat dam para sa bungee jumping, mounting trekking, bird watching at boating. Tiniyak din ni German na hindi magiging problema ang seguridad sa dam na hindi basta-basta napapasok ng mga sibilyan sa loob ng mahigit 40-taon nitong operasyon. Sa ngayon, sinabi ng opisyal na mayroon mga sibilyan ang pumapasyal sa watershed ng dam para mag-bird watching. Nauna nang sinabi ni Danilo Sevilla, bise presidente ng Napocor, na may mga agila na namamataan sa watershed. Patunay umano ito na makapal pa ang mga punong-kahoy sa lugar. Nanawagan naman si Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society, na dapat paigtingin pa ang pangangalaga sa watershed upang matigil ang ilegal na pagpuputol ng mga puno. - RR/FRJ, GMA News