ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga naninirahan sa tabing-dagat, todo paghahanda sa bagyong 'Butchoy'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinatibay na ng mga nakatira sa tabing-dagat sa Pangasinan at La Union ang kanilang mga bahay upang hindi tangayin ng malakas na hangin na maaaring dala ng bagyong si "Butchoy." Sa Bonuan Tondaligan sa Dagupan City, Pangasinan, naging abala si Mang Tito Paras na ayusin ang kanyang kubo para hindi mawasak ng malakas na hangin. Samantalang si Aling Imelda Royales, kahit lumaki sa dating-dagat ay ayaw maging kampante. Kaya naman inilikas na niya ang ilang mahalagang gamit. Bagaman hindi tatama sa kalupaan si "Butchoy," inaasahan na magdadala pa rin ito ng pag-ulan sa bansa, lalo na sa Luzon. “Hahatakin nito ang habagat na magbubunsod ng malakas na ulan hanggang sa weekend," ayon kay Greg de Vera II, chief meteorological officer, Pagasa-Dagupan. Dahil may posibilidad na magkaroon ng storm surge sa mga coastal area, mahigpit ang payo ng mga awtoridad sa mga naninirahan sa tabing-dagat na ibayong mag-ingat. Sa Aringay, La Union, pinatibay na rin ng mga residente sa tabing-dagat ang kanilang mga bahay. Ang iba, nilagyan ng pampabigat ang mga bubong at pinatibay ang kapit ng pundasyon ng mga bahay. “Temporary lang po ‘yan kasi wala kaming pantali. Naranasan na namin yung nilipad (ang bubong namin) tapos hindi namin alam kung saan hahanapin," ayon kay Ernest Gatchalian. Handa na rin daw silang lumikas kung kakailangan at may plano na sila kung papaano ito gagawin. “Yung mga bata uunahin namin, kaming mga lalaki ang maiiwan dito para kapag may naiwang mga gamit, yun ang babantayan namin," dagdag niya. - CJTorida/CVictorio/FRJ, GMA News

Tags: butchoy