ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, pinuri sa pakikipag-usap sa mga magsasaka


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ikinalugod ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang ginawang pakikipag-usap sa mga magsasaka ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa Malacañang nitong Huwebes. Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP-NASSA (National Secretariat for Social Action), ang pakikipag-usap ni Aquino ay nagbigay umano ng pag-asa sa mga magsasaka tungkol sa usapin repormang agraryo. Itinuring ng pari na positibo ang resulta ng pag-uusap dahil sa mga pangako ng pangulo sa mga magsasaka na kabilang sa Task Force Mapalad. Kabilang sa mga pangako ay pabibilisin ng pamahalaan ang implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER). Iniutos umano ni Aquino sa Department of Agrarian Reform na tapusin ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa 2014 --ang taon kung kailan mapapaso ang bisa ng batas. Ang pakikipag-usap at binitiwang pangako ni Aquino sa 21 magsasaka na kinatawan ng grupo at miyembro ng Simbahang Katoliko ay kinumpirma ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda sa pulong balitaan sa Palasyo. “We are doing away with a lot of the red tape. We’re doing away with a lot of the hindrances in the expectation that we will able to cover all agricultural lands as we’ve stated in this agreement," aniya. “Our commitment is to put all the agricultural lands under notices of coverage that will ensure the implementation of the CARPER beyond 2014," dagdag ni Lacierda. Ayon kay Gariguez, ipinababasura rin ng pangulo ang lahat ng administrative order na magpapabagal sa pagpapatupad ng land reform program. Pagpapaliwanagin din umano ni Aquino ang opisyal ng DAR sa Region-11 kaugnay sa reklamo ng mga magsasaka sa Mindanao na hindi nito sinusunod ang CARP law. Sakaling hindi matapos ang pamimigay ng lupa sa 2014, sinabi ni Gariguez na tiniyak ni Aquino sa mga magsasaka na gagawa siya ng resolusyon para ipagpatuloy ang pamamahagi ng lupa sa mga beneficiaries hanggang 2016. Lubos din ang pasasalamat ni Bacolod Bishop Vicente Navarra kay Aquino sa pagtugon nito sa mga karaingan ng mga magsasaka at umaasa siyang matutupad nito ang kanyang mga pangako. - MP/FRJ, GMA News

Tags: carplaw, farmers