Pagpapatigil ng DFA sa mga travel agency na magproseso ng passport, pinaiimbestigahan
Nais ng isang kongresista na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang ipinalabas na kautusan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbabawal na sa mga travel agency na magproseso ng pasaporte ng mga aplikante simula sa Hulyo. Sa House Resolution (HR) No. 2456 na inihain ni Alagad party-list Rep. Rodante Marcoleta, sinabi nito na dapat ipaliwanag ng DFA ang dahilan kung bakit nito pagbabawalan ang mga travel agency na magproseso ng pasaporte. Paniwala ng kongresista, magkakaroon ng epekto sa negosyo ng mga travel agency ang direktiba ng DFA. Bukod dito, magdudulot umano ito ng pahirap sa mga nais magkaroon ng pasaporte, partikular sa mga naninirahan sa lalawigan. “There is a need to go into the bottom of this order by the DFA to determine its impact on passport applicants in Cebu and other provinces and on the viability of small travel agencies," ayon kay Marcoleta. “Passport applicants in the province who want to get a passport are inconvenienced because they have to personally visit the DFA office to apply and go through the tedious process," dagdag pa ni Marcoleta, batay umano sa mga hinaing ng may-ari ng mga travel agency at stakeholders. Habang isinasagawa ang imbestigasyon, hiniling ng mambabatas kay Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, na magpalabas muna ng status quo order tungkol sa naturang usapin. Batay umano sa memorandum na ipinalabas ng DFA Regional Consular Office-Cebu officer-in-charge noong Mayo 17 para sa mga accredited travel agencies sa lalawigan, hanggang sa katapusan na lamang ng Hunyo sila maaaring magproseso ng aplikasyon sa pasaporte. Mayroon din umanong katulad na direktiba sa iba pang rehiyon na ipinalabas ng Office of the Undersecretary for Administration ng DFA. Ayon sa kongresista, magiging mahirap sa mga nakatira sa lalawigan kung sa tanggapan ng DFA sila pupunta para kumuha ng pasaporte, na inaabot umano ng dalawang araw ang pagproseso ng naturang dokumento. - RP/FRJ, GMA News