ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4-anyos na ‘kinder’ pupil sa Pangasinan, pang-grade 6 na ang galing


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinagigiliwan ngayon ang isang apat na taong gulang na kindergarten pupil sa isang paaralan sa San Fabian, Pangasinan dahil sa taglay nitong talino. Sa ulat ni Jette Arcellana sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing pambihira ang talino ni Kate Ashley Desear na pang-grade 6 na ang kakayahan sa pagbabasa at pang-grade 3 naman ang husay sa Math. Katunayan, kinailangan na ipabura muna ng kanyang guro ang mga sinagot ni Kate sa kanilang work book. Nasa ikatlong linggo pa lang kasi sila ng klase pero sinagutan na ng bata ang buong libro. Kaya na rin ni Kate na mag-fill-up sa registration form ng paaralan na mag-isa at mayroon na rin itong sariling pirma. Ang principal ng paaralan na si Leonardo Carrera, namangha sa talino ni Kate. Bagaman maaaring irekomenda ang bata na maiakyat na sa mas mataas na baytang ng pag-aaral, kailangan muna itong isangguni sa Department of Education dahil na rin sa bagong program na K to 12. Ayon sa ina ni Kate na si Sonnylyn Desear, mahilig daw sa libro at magbasa ang kanyang anak. Patuloy namang oobserbahan ang performance ni Kate sa eskuwelahan at isasailalim din umano ito sa I.Q. test. -- FRJ, GMA News