ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpatay sa isang lider-magsasaka sa Aurora at sa dayuhang si Geertman, kinondena


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mariing kinondena ng ilang alagad ng Simbahang Katoliko ang magkahiwalay na insidente ng pagpatay sa isang lider-magsasaka sa Aurora at sa isang dayuhang sumusuporta sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa Tarlac. Sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules, hiniling sa pulisya ni Fr. Jose Francisco Talaban, Social Action Director ng Prelatura ng Infanta, Quezon, na dakpin at iharap sa batas ang pumatay kay Walso Palispis, lider ng Indigenous People Movement sa Aurora at opisyal ng Commission on Election sa bayan ng Maria sa nabanggit na lalawigan. Si Palispis, 54-anyos, ay binaril nitong Sabado ng gabi sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Tres sa bayan ng Maria. Ayon kay Fr. Talaban, bukod sa tagapagtaguyod ng karapatang pantao, kilala rin si Palispis na tutol na hatiin sa dalawang bayan ang Maria. “Marami pong residente ang tumututol sa hakbang na ito na hatiin ang bayan ng Maria Aurora. Unang-una hindi po ito dumaan sa konsultasyon," paliwanag ng pari. Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pagpatay kay Palispis pero hindi sila kumbinsido na may kaugnayan ito sa kanyang trabaho bilang opisyal ng Comelec. Ito ay dahil wala naman umanong electoral protest na nakabinbin sa kanyang nasasakupan. Nababahala rin si Fr.Talaban dahil si Palispis umano ang ikatlong tao na pinaslang na tumututol sa APECO project na isinusulong ng pamilya ni Senador Juan Edgardo Angara sa lalawigan. “Bukod sa mga naganap na pagpaslang, wala ring lead o wala pa ring suspek ang mga awtoridad sa pamamaril sa aking kuwarto sa Simbahan may tatlong buwan na ang nakaraan," ayon sa pari. Dagok sa pamahalaang Aquino Para naman kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, malaking dagok sa imahe ng Pilipinas sa international community ang pagkakapatay sa Pampanga nitong Martes sa Dutch national na si Willem Geertman, executive director ng Alay Bayan-Luzon Incorporated. Ayon kay Cruz, ang pinaslang na dayuhan ay kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng mga mahihirap na Pilipino, kabilang na ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita sa Tarlac. Sa pagkamatay ni Geertman, umabot na umano sa 13 ang bilang ng foreign missionaries na napatay sa loob ng dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III. Umaasa si Cruz na hindi matutulad ang kaso ni Geertman sa marami pang kaso na hindi nabigyan ng solusyon ng pulisya. Kinondena rin ni CBCP-NASSA chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang panibagong mga kaso ng extra-judicial killings sa bansa na may kaugnayan sa paglaban sa pagmimina at pagtatanggol sa karapatan ng mga magsasaka. Hinamon ng obispo si Aquino na tugunan ang naturang problema ng extra-judicial killings at ilahad ito sa kanyang State of the Nation Address sa Hulyo 23. “Seryosohin naman niya ang mga human rights violation sa bansa. Sana i-address niya ang human rights situation sa Pilipinas. Sana maipahayag niya na talagang seryosohin ng kanyang pamahalaan ang pagtugis sa mga grupong gumagawa nito," ayon kay Pabillo. - MP/FRJ, GMA News